MAY nagawa nga bang paglabag ang ABS-CBN sa ipinagkaloob na prangkisa sa kanila ng pamahalaan o sadyang ginigipit nga lang ito ng pamahalaan dahil sa umano’y pagiging biased sa paghahatid ng balita laban sa kasalukuyang administrasyon?
Tama bang sabihin na mayroong paglabag sa malayang pamamahayag ang inihaing ‘quo warranto petition’ ng tanggapan ng Solicitor General laban sa higanteng network?
Kapag media outfit ba ang kinasuhan ng pamahalaan dahil sa may nakitang paglabag sa ipinagkaloob sa kanilang pribilehiyo ay paglabag na ito sa malayang pamamahayag?
Kung naaalala ninyo, kinasuhan din ng pamahalaan ang Rappler noong nakaraang taon dahil sa hindi pagsunod sa itinatadhana ng ating Saligang Batas na dapat 100% ng isang media outfit sa bansa ay pag-aari ng isang Pilipino subalit natuklasan ng pamahalaan na mayroong dayuhang nakikialam sa pagpapatakbo ng nasabing media outfit at ang mga ito’y may sapi o sosyo sa Rappler.
Pero ang sigaw ba ng Rappler ay paglabag sa malayang pamamahayag?
Ganoon ba talaga ang kalakaran? Kapag media outfit ang mga may paglabag sa itinatadhana ng batas ay sasabihin kaagad na sinisikil ang malayang pamamahayag?
Hindi ba dapat ay sagutin ito sa tamang lugar ng mga inaakusahan?
Naghain ng motion ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court na humihiling na mag-isyu ng gag order para pigilan ang sinumang partido o personalidad mula sa ABS-CBN na maglabas ng kanilang pahayag o talakayin ang quo warranto petition ng OSG laban sa Kapamilya network.
Depensa ni Solicitor General Jose Calida, ang aksiyon daw ng ABS-CBN ay paglabag sa itinadhana ng sub-judice rule.
Sa en banc session ng Supreme Court (SC), kaagad na inaksyunan ang mosyon ng OSG kung saan binigyan nila ng limang araw na wala ng palugit ang ABS-CBN upang magkomento sa motion ng OSG.
Nag-ugat ang very urgent motion ni Calida sa isang video na may titulong ‘Quo warranto petition laban sa ABS-CBN, ano ang ibig sabihin?’ na inilabas noong Pebrero 14.
Idinagdag ni Calida na ang naturang video ay direktang tumatalakay sa mga alegasyon kontra sa quo warranto petition na ipinagbabawal ng batas.
121