ANOMALYA NG MGA TRUCK TRADERS AT IMPORTERS SA SUBIC FREEPORT

TINGNAN NATIN

NAMAYAGPAG nang matagal ang sari-saring paglabag ng mga traders at importers ng mga segunda-mano o second-hand trucks at equipment sa Subic Bay Freeport.

Tingnan Natin: ang mga paglabag ay hindi lamang direktang may kinalaman sa negosyong in-apply-an sa Freeport bagkus hanggang usapin ng “immigration” ay may kalokohan.

Halos 90 companies ang mga importers at traders ng used trucks/equipment sa Subic.

Bukod sa mga Pinoy, marami rin ang mga Pakistani, Bombay, Koreano at Intsik.

Isa sa mga paglabag ay ang pang-aabuso sa visa. Mayroong pinalalabas na nagtatrabaho sa isang kompanya pero ang totoo, sa iba na o kaya’y kung saan-saan na palabuy-laboy.

Sa regulasyon ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), dapat ang mga importer ay may sapat na espasyo na paglalagyan ng mga in-import na sasakyan.

Tingnan Natin: bakit sa ilang lugar ng Freeport, may mga nakahambalang na mga truck, trailer o heavy equipment?

Ang mga ito ay hindi lamang masama sa paningin kundi panganib pa kapwa sa mga motorista at pedestrian.

Lumalabas na lumalabis kasi sa takdang bilang ng pwedeng i-import ang naturang mga kompanya batay sa inookupahang espasyo ng negosyo.

Tulad ng “immigration issue,” ito ay batayan para i-kansela ng SBMA ang kanilang mga kontrata.

Tingan Natin: mayroon ding truck at heavy equipment importers na ipinagagamit sa iba ang kanilang lisensya at permits, bagay na hindi naaayon sa patakaran at regulasyon ng SBMA.

Sobra na, tama na ang sabi ni SBMA Chair & Administrator (ChAd) Wilma T. Eisma nang pinulong niya ang mga truck traders/importers.

Binigyan niya ng hanggang June 1, 2019 ang mga ito para ituwid ang mga paglabag at umayos sa operasyon.

Mabuti naman at kumilos na si ChAd Eisma. Ang tanong, tutupad ba ang mga truck traders at importers? At kung hindi, ano ang kanyang gagawin? Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

130

Related posts

Leave a Comment