Nakarating na sa Pilipinas ang mga labi ng namatay na si Constancia “Connie” Lago Dayag. Siya ang OFW na natagpuang patay sa loob ng kanyang kuwarto na ayon sa unang balita na ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre Bello ay nakatanggap siya ng report mula sa Kuwait na si Dayag ay nakita sa Al Sabah Hospital na maraming pasa o marka ng bugbog at may nakapasak pa na pipino sa loob ng ari.
Nakausap ng inyong lingkod ang anak nito na si Lovely Jane Dayag na halos hindi makapagsalita dahil sa sobrang pag-iyak. Ayon sa kanya, bago pa natagpuan na patay ang kanyang ina ay nagkwento na ito sa kanya na nagkaroon sila ng alitan ng kanyang among babae na isang retiradong guro.
Nagkwento rin ito sa kanya na hindi na maayos ang kanilang samahan ng kanyang employer na babae taliwas sa dati nitong pakikitungo sa kanya noong una siyang nagtrabaho rito simula 2016 hanggang 2018 bago siya nagbalik-manggagawa.
Kung kaya, ang naging desisyon ni Lovely Jane ay ibili na lamang ng ticket ng erop-lano ang kanyang ina upang makauwi na agad sa Pilipinas dahil ayaw naman daw sagutin ng kanyang ahensya ang ticket nito dahil nga isa na siyang balik-manggagawa.
Labis ang pag-aalala ni Lovely Jane na ma-whitewash ang magiging imbestigasyon o awtopsiya ng kanyang ina upang diumano ay itago ng gobyerno ng Kuwait ang katotohanan dahil sa pangamba ng mga recruitment agencies na maapektuhan na naman ang relasyon ng bansang Pilipinas at Kuwait at mauwi na naman sa Deployment Ban.
At ang pangambang ito ay unti-unti na ngang lumilitaw, dahil taliwas sa unang report ni Sec. Bello, ay may lumalabas naman na report na diumano ayon sa autopsy ay namatay si Dayag dahil sa atake sa puso at walang foul play at lalo pa na nagpalabas na agad ng advisory ang samahan ng ahensya na roon sinasabi na walang foul play at nakitaan ng gamot sa high blood gayong wala pa namang opisyal na resulta ang awtopsiya.
Dito na muling nanumbalik ang aking alala na noong Hunyo 2017 ay isa ring OFW sa Kuwait na si Teresa Queddeng ay natagpuan ding patay sa kanyang kuwarto. Sa awtopsiya na ginawa sa Kuwait ay sinasabing namatay dahil sa heart attack, ngunit noong dumating sa Pilipinas ang bangkay nito ay nadiskubre ni Medico Legal Dr. Reynaldo Dave ng PNP Crime Laboratory ng Nueva Ecija na ito ay namatay dahil sa pagkakasakal o “asphyxia by strangulation”.
Kung kaya, aking ipinayo kay Lovely Jane na muling ipaawtopsiya ang mga labi ng kanyang ina sa pagda¬ting nito sa Pilipinas upang masiguro na mabibigyan ng kaukulang hustisya ang kanyang ina para sa ikatatahimik ng kanyang kaluluwa.
oOo
Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
150