AYUDA SA EGAY VICTIMS AT PAGBUHAY SA BICOL EXPRESS

TARGET NI KA REX CAYANONG

HINDI pinababayaan ni Rizal Governor Nina Ynares ang kanyang mga kababayan.

Talagang inihahatid ang mga pangangailangan nila.

Kung hindi ako nagkakamali, hanggang nitong kamakalawa ng gabi, aba’y maraming pamilya pa rin na apektado ng Bagyong Egay ang nananatili sa mga evacuation center sa bayan ng San Mateo.

Sinasabing karamihan sa kanila ay naninirahan sa low-lying areas kaya’t hindi pa makabalik sa kanilang mga tahanan.

Habang isinusulat ko ang kolum na ito, mahigit 900 evacuees pa raw ang nananatili sa Maly Elementary School, Guinayang National High School, San Mateo Elementary School, at sa Sta. Ana Covered Court.

Alam ni Gov. Ynares ang kalagayan nila.

Kaya pinuntahan sila ng gobernadora at iba pang local officials.

Doon ay pinagkalooban sila ng relief goods.

Kasama rin nila ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office IV-A at nagpaabot ng mga food packs para sa mga apektadong residente.

Samantala, isinusulong nga pala ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan ang pagbuhay sa Bicol Express o ang Phil. National Railways (PNR) South Long Haul Project.

Hinihingi niya ang suporta ng mga pribadong kompanya sa bansa para tumulong at pondohan ang planong ito.

Kung maaalala kasi, sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay itinulak nito ang pagpapalakas sa kolaborasyon ng gobyerno at pribadong sektor.

Sa ganitong paraan daw, mapapabilis ang pag-unlad ng bansa.

Sa kanyang panig naman, sinabi ni Yamsuan na ang modernisasyon ng Bicol Express ay magdadala ng pag-unlad sa Kabikulan.

Sabi nga ng kongresista, aba’y kapag naisakatuparan na daw ito, mula sa 14 hanggang 18 oras na biyahe mula Maynila pa-Bicol ay magiging apat hanggang anim na oras na lang ito.

Noong 2025, kabilang daw sa mga interesado sa proyekto ay ang San Miguel Corp., Ayala Corp. at Metro Pacific Investments Corporation (MPIC).

Subalit dahil patapos na ang administrasyong Aquino noong panahong iyon, hindi na ito itinuloy.

Noong pumasok naman ang Duterte administration, itinulak ang joint venture ng China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd. at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd.

Ang masaklap, hindi naman ito napondohan.

Kaya naman, binawi ito ng gobyerno sa pagtatapos ng nakaraang administrasyon.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

152

Related posts

Leave a Comment