BABALA KONTRA SINDIKATO SA PABAHAY

SA tuwing sasapit ang halalan, karaniwang paandar ng mga nagnanais maging ­pangulo, senador at kongresista sa Kamara, ang mangako sa ­hangaring makuha ang asam na boto – proyektong pabahay para sa mga hirap sa pamumuhay.

Mula dekada sitenta, ilan na ba sa mga nagdaang ­pangulo ang nakapagbigay ng tunay na pabahay? Panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nang itaguyod ang National Housing Authority (NHA) na siyang nagsulong noon ng pabahay sa ilalim ng programang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS).

Nang maupo naman sa Palasyo si Joseph Estrada, inilunsad naman ang programang Pabahay ni Erap Para sa Mahirap, isang proyektong ‘di na naituloy matapos siyang malaglag sa pwesto.

Hindi maikakailang hangad ng bawat pamilya ang magkaroon ng sariling bahay. Ang siste, limitado lang ang naabot ng mga nasabing programa, dahilan kung bakit marami ang kumakapit na lang sa mga nagsulputang sindikatong alok ay murang lupang angkop sa pabahay.

Sa gawing silangan ng Metro Manila, may mga sindikatong namamayagpag – alok nila’y lupang abot-kaya ng masa. May hulugan o ‘di naman kaya’y buwanang butaw sa mga kasapi nilang nabola at napaniwala. ‘Yan mismo ang kalakaran at sinasagupa ng mga lokal na pamahalaan ng Binangonan at Angono.

Bitbit ang kani-kanilang armada, garapalan ang bentahan ng lupa sa kabila ng kampanya at programa ng lokal na pamahalaan laban sa mga squatting syndicates sa dalawang baybaying lokalidad sa lalawigan ng Rizal.

Palibhasa’y malapit sa ­kabisera, marami ang kumagat sa modus operandi ng mga sindikato. Bakit nga naman hindi? Hindi na kailangan pang maging miyembro ng SSS at Pag-Ibig na kapwa naniningil ng buwanang kontribusyong tila ginagahasa lang ng mga itinatalaga sa pwesto. Hindi na rin kailangan ng malaking perang paunang bayad, membership fee lang ayos na! Pwede na agad tayuan ng maliit na barong-barong para sa pamilya.

Ang problema, hindi naman pag-aari ng sindikato ang nasabing mga lupang inalok sa mga pamilyang maralita. Kaya naman kalaunan, pinalalayas din sila. Ang ending, lokal na pamahalaan din pala ang kakalinga at magbibigay ng lupang matatawag nilang totoong sa kanila.

Pero teka, hindi ko pinangalanan ‘yung sindikato na Bobet Guido sa Binangonan at Edgardo Miranda sa Angono ha. At lalong ‘di ako nagsabing may private army sila. Mahirap na, baka kasi ako naman ang paulanan ng bala!

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

145

Related posts

Leave a Comment