BAGONG ALKALDE, BAGONG PAG-ASA PARA SA MAYNILA

Sa Ganang Akin

Kasisimula pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Isko Moreno ngunit tila nagpapasiklab na ito at nagpapakilala hindi lamang sa Maynila kundi pati sa buong bansa.

Inumpisahan niya agad ang paglilinis at pagpapaluwag sa mga lansangan ng Maynila na tila ba wala nang pag-asa. Ang dating napakarumi, napakasikip, at napakaingay na Divisoria ay tila nagmukhang parke sa linis at luwang. Maaari palang maging ganoon kalinis ang Divisoria. Hindi ito himala. Ito ay kagagawan ng bagong alkalde ng Maynila.

Ipinakita agad ni Mayor Isko na determinado siyang ibangon at baguhin ang hindi magandang reputasyon ng lungsod. Napakalaki ng potensyal ng Maynila na maging sentro ng turismo sa Luzon ngunit nakalulungkot na napabayaan ito ng mga nakaraang pamunuan hanggang sa makilala ang lungsod sa hindi magandang paraan – marumi, delikado, at magulo.

Maraming plano si Mayor Isko para sa Maynila. Kasama riyan ang pagpapalakas ng turismo ng lungsod na siya namang suportado ni Tourism Secretary Berna Romulo Puyat. Plano ni Moreno na pangalagaan ang Arroceros pocket forest at linisin ang Manila Zoo. Kasama rin sa kanyang plano ang gawing ligtas ang Intramuros para sa mga turista sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Tourism.

Umani ng papuri si Moreno mula sa iba’t ibang opisyal ng gobyerno gaya nina Senator Recto, Senator Lacson, at ni Interior Secretary Eduardo Ano. Marami ang bumilib sa determinasyon nito. Marami rin ang namangha sa laki ng naging pagbabago sa Maynila sa umpisa ng termino ni Moreno. Bukod sa Divisoria, nalinis na rin ang Carriedo, Blumentritt, at Plaza Miranda. Napaalis na rin ang mga illegal settler na namalagi sa Manila Bay na siyang malaking tulong sa rehabilitasyong isinasagawa rito.

Inamin ni Moreno na inalok siya ng P5 milyon upang hayaan ang ano­malyang nangyayari sa Maynila. Hindi ito tinanggap ng alkalde dahil determinado siyang gawin ang kanyang trabaho at ang pagandahin ang imahe ng Maynila.

Ang nangyayari ngayon sa Maynila ay tila isang kapana-panabik na eksena sa teleserye. Hindi mo maiiwasang sumubaybay sa susunod na mangyayari. Ilang araw pa lamang pero malaki at marami nang nagawa si Moreno.

Nangako ang bagong alkalde na tatapusin ang kanyang nasimulan. Tiyak hindi lamang mga Manilenyo ang umaasa sa pangakong ito kundi pati na rin ang buong bansa. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

266

Related posts

Leave a Comment