BAGONG PANANAW, PAG-ASA SA TESDA

KAISA ako ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa natutuwa sa pagkakatalaga kay dating OFW Representative John Bertiz sa bago nitong tungkulin bilang Deputy Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bilang isang OFW, sa tuwing  may matatalaga sa tungkulin na mula sa hanay ng mga OFW ay nakakakita kami ng bagong pag-asa na tunay na maisusulong ang kapakanan at pangangailangan ng mga migranteng Filipino.

Sa pagsisimula sa tungkulin ni DDG Bertiz, umaasa ang maraming OFW na mas magiging akma sa panahon at progresibo ang magiging programa ng TESDA para sa i naasahang mahigit na 300,000 OFW na pauwi ng Pilipinas dahil sa nawalan ng trabaho sa ibang bansa.

Kagabi sa aming pag-uusap ni DDG Bertiz ay masaya niyang ibinalita agad sa akin ang ilan sa kanyang naiisip na programa na katulad ng pagpapalakas ng training program para sa mga dental technician na alam niya na malapit sa a king puso bilang isang dentista.

Ngunit naging bukas din naman siya sa aking mungkahi na mas nararapat na pag-ukulan ng pansin ng TESDA ang mga programang naaayon sa tinatawag na “new normal”. Kabilang sa aking mungkahi ay ang pagbibigay ng online training o webinar para sa mga OFW kahit ito ay nasa ibang bansa pa lamang.

Kung dati ay kinakailangan na dumalo sa mismong training  sa TESDA accredited training center ang mga OFW, dapat na siguro na mas palakasin na ang webinar training at isama na sa programa ang “online selling”.

Nitong kasagsagan ng enhanced community quarantine  (ECQ) ay umariba ang ne gosyong online selling at katunayan ay napapansin na ito ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Nitong nakaraang araw  ay  naglabas pa nga ang BIR ng kalatas upang ipaalam na kinakailangang magparehistro ang lahat ng online sellers at pati na rin ang kinita nito sa nakalipas na mga taon.

Pumapatok ang “online selling” dahil ang negosyong ito ay nangangailangan lamang ng maliit na puhunan at hindi kinakailangan na umupa ng mahal na puwesto dahil puwede ito pasimulan sa loob lamang ng tahanan. Bukod pa rito, maaari ring magsimula ng  online business ang isang  OFW habang siya ay nasa ibang bansa pa katuwang ang kanyang pamilya na sila naman ang mag-aasikaso ng pag-deliver at pamimili ng produkto.

Bukod pa rito, ang mga OFW ay bihasa na sa paggamit ng lahat ng uri ng social media na isa sa napakaimportanteng rekado para sa online selling, kung kaya masasabi na ang online selling business ang isa sa angkop na angkop na hanapbuhay para sa mga OFW bago pa man sila bumalik sa Pilipinas.

Umaasa ang hanay ng mga OFW na mas magiging mabilis at epektibo na ang ugnayan ng mga OFW at TESDA ngayon na magsisimula na si DDG Bertiz sa kanyang tungkulin.

184

Related posts

Leave a Comment