BAHAY AT BUHAY

Psychtalk

(Ikatlong bahagi)

Aminin man natin o hindi, isa sa hindi mabigyang bigyang solusyon ng pamahalaan – lokal man at nasyunal – ang suliranin natin sa bahay.

Hindi maitatanggi ang nakikita ng ating mga matang informal settlers sa mga pangunahing siyudad sa kapuluan. Sila na ninanais nating itaboy sana sa mga relokasyon, o kaya’y itago sa paningin sa pamamagitan ng pagbabakod. Sila na sa paningin ng iba ay masakit sa mata o mga eyesore.

‘Di natin sila matulungang magkaroon ng disenteng tirahan dahil sa kakulangan ng housing program ng pamahalaan pero didikdikin natin sila na dapat ayusin nila ang mga itsura nila para sa dignidad nila.

Pero nakikita lang kasi natin ang itsura nilang panlabas. Naisip na ba natin ang pakiramdam ng nasa kanilang kalagayan?

‘Di matatawaran ang hirap ng nasa espasyong siksikan at walang basic amenities man lang sa bahay na sana ay maayos na pahingahan.

Ayon sa mga pag-aaral, nakababawas sa kaginhawahan ang pamamalagi sa mga espasyong wala man lang privacy, ‘di mo man lang mairaos ang mga call of nature na tinatawag.

Madaling uminit ang mga ulo ng mga taong kulang sa tulog o walang maayos na tulog at pamamahinga dahil sa kawalan ng tamang espasyo para sa pagtulog – lalo na yaong mga nasa kalsada, estero, ilalim ng tulay, o mga dikit-dikit na barungbarong.

Narinig na natin marahil ang kuwento rin ng mga mag-anak na nakatira sa mga parang kahong bahay sa gilid ng mga riles na sa kaliitin ng espasyo ay kinakailangang magkaroon ng rotasyon sa pagtulog ang mga miyembro ng tahanan.

Akala ng mga nakakakita ay mahilig lang mag-istambay kahit sa gabi ang mga tao ‘yun pala  ay dahil nag-aantay sila  ng turn nila sa  pagtulog.

Paano pa kaya maiisip ng mga taong nasa ganitong kalagayan ang konsepto ng kagandahan at dignidad? Ni wala man lang disente at sapat na espasyo para ilapat ang katawang pagal sa pagkahig ng isusubo sa maghapon. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

211

Related posts

Leave a Comment