BAKIT BA IPINIPILIT ANG CHA-CHA?

DPA

HINDI ko maitindihan kung bakit ipinipilit ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang Charter Change (Cha-Cha) kahit malamig ang mga senador lalo na ang taumbayan sa ideyang amyendahan ang Saligang Batas.

May balak bang tumakbong senador si Rufus sakaling gawing regional ang paghalal sa mga senador ng bayan tulad ng kanyang panukala?

Kahit maingay si Cong Rodriguez, ay hindi siya makikilala sa buong Pilipinas at wala siyang pag-asang manalo kung tatakbo siya sa Senado dahil wala siyang name recall.

Maliban siguro kung tuwing eleksyon ay tatakbo siya sa Senado kahit hindi manalo hanggang dumating ang panahon na makilala na siya nang tuluyan tulad ng ilang senador natin na ilang beses munang sumubok bago nanalo.

Sakaling maging regional ang eleksyon ng mga senador, baka may pag-asa si Rufus dahil kahit papaano sikat siya sa pinanggaling niyang rehiyon kahit natalo na siya minsan sa mayoralty race sa Cagayan de Oro City.

Okay na gawin na ang boto ng presidential candidate ay siyang boto na rin ng kanyang runningmate o ng kanyang vice presidential candidate para magtrabaho naman ang naihahalal na vice-president at hindi naghihintay kung kailan mamatay ang pangulo.

Pero ang gawing regional ang senatorial election, mukhang hindi ang mga mamamayan ang makikinabang kundi ang mga pulitiko na hindi nakakaporma sa nationwide election.

Baka maging dahilan pa para tumindi ang political violence sa Pilipinas kong mahal dahil mag-aagawan ang mga sikat na politiko sa mga ­rehiyon para maging Senador.

Ngayon pa nga lang, nagkakaroon na ng political violence sa mga local post lang, ano pa kaya kung national post o upuan sa Senado  na ang pinaglalabanan ng mga bigshot na politiko sa mga rehiyon.

Tanging senatorial election lang ang pinakamatahimik na halalan  sa bansa dahil walang nagpapatayan kundi nag-aasaran lang ang mga  kandidato pero kung gagawing regional na ‘yan hindi kaya dumanak na ang dugo?
At isa pa, bakit dadagdagan ang bilang ng mga senador? Napakarami na ang 24 at kung gagawin 27 yan o kaya 36 ang senador palagay n’yo ba may pakinabang yan sa mga Filipino?

Dagdag pasanin lang yan sa mga mamamayang Filipino dahil lalong lalaki ang budget ng Senado para pampasuweldo sa mga karagdagang senador at kanilang mga staff.
Bibilis ba ang trabaho ng mga senador kapag dumami sila? Parang hindi. Tingnan n’yo ang nangyayari sa mababang kapulungan! BERNARD TAGUINOD

136

Related posts

Leave a Comment