BAKIT SIKAT ANG K-DRAMA AT K-POP?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

SA gitna ng tumataas at hindi mapigilang paglobo ng inflation rate na sumusukat sa bilis ng pagtaas ng pres­yo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain, naiisingit pa rin ang ibang isyu sa showbiz.

Partikular na riyan ang isyu sa K-dramas na mas tinatangkilik ng Filipino fans kaysa produksyon ng mga Filipino artist na pinagdedebatehan habang marami ang nagugutom.

Bilang viewer, napapansin ko na mas may kalidad ang ginagawang pelikula at series ng mga Korean artist kaysa mga Filipino, sorry pero ‘yan ang naghuhumiyaw na katotohanan. Ang layo, sa totoo lang.

Sa Korean drama, laging bago ang tema ng kanilang pelikula at maganda ang pagkakagawa, pero sa Pinas, puro hango sa matagal nang pelikula at binago lang nang konti at kung may bago man, nakaiinip, ang bagal ng phasing at pinatatagal hindi tulad sa Korea na ‘pag sinabing 2 buwan lang ‘yan, walang nang ekstensyon.

Bakit nangyayari ‘yan? Dahil siguro sa walang pagpapahalaga sa script writers o author ng kuwento na ginagawa nilang pelikula. Marami akong naririnig na binabarat ang mga manunulat kaya sino naman ang matutuwa.

Ang buhay ng showbiz ay hindi lang sa mga artista at director kundi nasa panulat ng mga manunulat pero kung alam ng mga manunulat na babaratin lang sila, talagang hindi sila makakukuha ng mga bagong writer. Mga luma na ang mga nasa showbiz kaya ubos na marahil ang kanilang idea.

Isa pa sa napapansin ko, pare-pareho ang mga artistang lumalabas sa atin sa TV series o sa pelikula man. Nagsasawa rin ang mga tao pero hindi ‘yun pinapansin ng mga producer dahil ang nasa isip nila siguro, kapag sikat ang bibida sa kanilang pelikula, sigurado ang kita.

Kung umasta rin ang mga artista at mga director, akala mo sila na ang pinakamataas na nilalang sa balat ng lupa. Walang PR ang karamihan sa mga artista at director ngayon. Marami sa kanila ang hindi nga marunong makipagkapitbahay, eh.

Sino sa inyo ang may kapitbahay na artista, director o manager? Maayos ba silang kapitbahay? Ang taas ng tingin ng karamihan sa mga ‘yan sa kanilang sarili, walang PR at mga suplado’t suplada. Nakababawas ‘yan ng ­viewers, ha, sa totoo lang.

Kahit ilibre mo pa ang mga ‘yan sa buwis, hindi pa rin uunlad ang showbiz industry sa ating bansa hangga’t walang mga bagong writer na aalagaan ng mga producer at hindi sila ituturing na second o third class citizens sa kanilang industriya.

Kahit ang mga singer natin, wala nang bagong kantang ginagawa kaya mas sikat sa kanila ang Korean pop singers na kapag nag-concert dito ay talagang dinudumog ng kanilang fans, kesehodang napakamahal ang ticket dahil bukod sa may itsura, ­magaganda pa ang kanilang kanta.

Tulad ng pelikula at TV series, nasa manunulat ang buhay, kailangan ang composer sa kanta pero mukhang hindi naman din sila binibigyan ng importansya kaya kung ano-anong kanta na lamang ang ginagawa ng mga singer.

Ngayon, gusto nilang magbago ang industriya nila. Bigyan ng importansya ang mga manunulat at composers para magkaroon ng bagong idea dahil kahit sino pang artista, kahit hindi sikat ang gaganap ay mabenta kapag maganda ang istorya.

12

Related posts

Leave a Comment