Naalala n’yo pa ba ang nag-trending nitong nakalipas na mga buwan na kung saan ang isa nating Kabayani na nasa shelter ay inatake sa puso dahil diumano ay sa sama ng loob dahil sinigawan ng isang opisyales sa Philippine Embassy-POLO (Philippine Overseas Labor Office) sa Jeddah?
Ang aking tinutukoy ay ang nasawing OFW na si Emelita Pacada Gonzales noong Enero 24, 2019. Ayon sa sumbong na ating natanggap ay nagtungo si Gonzales sa OWWA Shelter upang magkanlong at magpasaklolo noong Setyembre 2018.
Makalipas ng ilang buwan na pamamalagi sa shelter ay nakaramdam na ito ng pagkainip kung kaya siya ay malimit ng magtungo sa opisyales ng POLO na si Atty. Charm. Sa sumbong ng ilang nakasaksi sa pamilya ni Gonzales, ang nasawi ay nag-follow-up kay Atty. Charms ngunit imbes na kausapin nang maayos ay diumano ay pinagtaasan ito ng boses ng opisyal na naging dahilan ng paninikip ng kanyang dibdib kung kaya siya ay itinakbo sa King Fahad Hospital at doon na rin binawian ng buhay.
Simula pa nang ito ay namatay noong Enero 2019 at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin natatangap na katiyakan mula sa ating embahada sa Saudi Arabia kung kailan maiuuwi ang bangkay nito.
Kung kaya ang pamilya ni Gonzales ay nanawagan sa ating Department of Foreign Affairs upang mabilis na asikasuhin ang mga dokumento na kinakailangan upang mapauwi na sa Pilipinas ang bangkay ni Gonzales.
Ang Bantay OFW naman ay muling nakikiusap kay Consul General Ed Badajos na kung maaari ay gawin ang anumang paraan para sa ikabibilis ng pagkumpleto ng anumang document na kinakailangan upang mabilis na mapauwi ang bangkay ng ating Kabayani.
Ibig ko ring iparating ang aking pasasalamat gayundin ang pasasalamat ng pamilya ni Noriel C. Dioneda kay Badajos sa kanyang pagtugon sa ating kahilingan na mabigyan ng tamang impormasyon at atensyon ang pamilya ukol sa pagpapauwi ng bangkay ni Noriel C. Dioneda na nagpatiwakal sa Saudi Arabia.
oOo
Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
301