BATAS MUNA BAGO EXPANSION NG MC TAXI – NAFUVEXI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGTUNGO sa Mandaluyong City Regional Trial Court ang grupo ng National Federation of UV Express Incorporated ( NAFUVEXI), kasama ng dalawang abogado nito, upang hilingin sa korte na maglabas sila ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa expansion ng Motorcycle (MC) Taxi.

Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Mandaluyong City, sinabi ni Alpha Martinez ng NAFUVEXI, kaya sila magpa-file ng isang ‘petition for injunction’ laban sa Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Motorcycle Taxi (MC Taxi), ay upang pigilan ang pagpapalawak ng operasyon ng MC taxi.

Ayon sa kanya, hindi pa nga naaayos ang usapin ng kasalukuyang MC Taxi na bumibiyahe sa Metro Manila ay mayroon na namang pitong (7) kumpanya na gustong pumasok.

Kasama ni Martinez si Atty. Bodie Pulido at isa pang lawyer na hindi nabanggit ang pangalan, na nagtungo sa Mandaluyong RTC upang ihain ang kanilang petisyon.

Sinabi rin ni Atty. Pulido na hanggang ngayon ay wala pa ring batas at testing pa rin makalipas ang limang bumibiyahe na mga MC Taxi.

“Kung tutuusin, illegal pa rin ang ginagawang pagbiyahe ng mga MC Taxi dahil wala pa namang nakakasakop na batas dito,” ani Atty. Pulido.

Ayon pa sa kanya, hindi rin magawan ng batas ng mga kongresista ang usapin ng MC Taxi dahil wala pa namang isinusumite sa Kamara na pag-aaral tungkol dito para magawan ito ng batas.

Banggit pa niya na, kinakailangang may report kung ano ang mga pag-aaral kaugnay sa MC Taxi, ito ba ay nakatutulong, ligtas ba ang mga pasahero sa pagsakay rito, dumaan ba sa pagsasanay ang mga driver nito?

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga bumibiyaheng MC Taxi ay ang ANGKAS, JOYRIDE at MOVE IT, hindi pa kasama rito ang walang pangalan na mga kumpanya.

Napag-alaman ni Atty. Pulido na pitong (7) kumpanya pa ang nais pumasok na may grupo rin ng MC Taxi.

Sinabi naman ni Martinez na sa kasalukuyan pa lamang ay 35% na ang nabawas sa kanilang kita dahil sa MC Taxi, mas lalo pa itong lalaki kapag pinapasok pa ng gobyerno ang pitong (7) kumpanya na gustong pumasok.

Subalit aniya, kung magagawan ng batas na maging legal ang pagbiyahe ng MC Taxi ay wala silang magagawa kundi tanggapan na lamang ang mga ito.

Nilinaw rin niya at ni Atty. Pulido na wala silang tutol sa MC Taxi basta ilagay lamang ito sa tama sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas na pinapayagan ang mga ito na mamasahero.

Malaking tulong sana sa nagmamadaling mga pasahero ang MC Taxi dahil sobrang trapik sa Metro Manila, kaya nga lang ay wala namang batas na nakasasakop dito.

At tulad ng sinabi ni Atty. Pulido, kailangang matiyak ng gobyerno ang proteksyon at kaligtasan ng mga pasahero ng MC Taxi.

Hindi lang dapat ang kanilang iniisip ay ang kanilang kikitain (MC Taxi Company) kundi pati ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Kaya dapat lang ay may batas na nakasasakop dito.

Ayon pa kay Martinez, sila ay hirap na makakuha ng prangkisa sa gobyerno bago sila makabiyahe, tapos ang MC Taxi ay nakabibiyahe na wala man lamang requirements na isinusumite sa pamahalaan, unfair daw para sa kanila ‘yun.

Esep-esep din minsan, mga opisyal ng DOTr, LTO at LTFRB, may punto ang sinasabi ng NAFUVEXI.

‘Wag n’yong hayaan na nakabibiyahe ang MC Taxi nang walang nakasasakop na batas dito, kawawa naman ang tumatangkilik sa kanila.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

152

Related posts

Leave a Comment