BATAS SA ANTI-POLITICAL DYNASTY, SUNTOK ‘YAN SA BUWAN

DPA  ni BERNARD TAGUINOD

PALAGAY ko sumusuntok sa buwan ang grupo ng mga abogado sa University of the Philippines (UP) na naghain ng petisyon sa Korte Suprema para pilitin ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty sa ating bansa.

Karamihan sa mga congressman ngayon ay may dinastiya sa kanilang distrito at palagay n’yo susuportahan nila ang isang panukalang batas na magpapahina sa kanilang kapit sa kapangyarihan?

Malabong mangyari ‘yan dahil maging ang mga bagong salta nga sa pulitika ay agad nagkakaroon ng dynasty eh, dahil buong pamilya nila ang nanalo at nakaupo ngayon at mukhang enjoy na enjoy sila sa kanilang kapangyarihan.

Noong October 2012, kabilang ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa mga naghain din ng kahalintulad na petisyon sa Korte Suprema pero walang nangyari at nakalimutan na ang krusadang ito nang manalo ang kanilang tatay na si Digong noong 2016 election.

Muling sinusubukan ng UP lawyers kung may pag-asa na maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na mag-oobliga sa Kongreso na magpasa ng batas na wawasak sa political dynasty sa ating inang bayan.

Sakaling maglabas ng desisyon ang Supreme Court, susundin ba ng Kongreso. Suntok pa rin ‘yan sa buwan dahil sasabihin lang ng mga mambabatas na “co-equal body” nila ang Hudikatura at walang karapatan na utusan silang gumawa ng batas.

Tulad ng lagi kong sinasabi, ang problema ay ‘yung mga gumawa ng 1987 Constitution dahil ipinaubaya pa nila sa mga mambabatas ang paggawa ng batas eh pwede naman nilang ilagay agad sa Saligang Batas na bawal ang pami-pamilya na tumakbo nang sabay-sabay sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Malaking pagkakamali ito ng 1987 Constitution framers dahil sino ba namang mambabatas ang gustong humina ang kapit ng kanilang pamilya sa kapangyarihan? Ginagawa ngang hanapbuhay ng karamihan ang pulitika eh.

Sabi nga noon ni dating Commission on Election (Comelec) chairman Sixto Brillantes, ang tanging paraan laban sa political dynasties ay People’s Initiative as in PI, na imposible ring mangyari.

Bakit kanyo? Magastos ang PI kaya ang unang tanong, saan kukunin ang pondo? At sakaling boluntaryo na ang mga tao na pumirma dahil banas na banas na sila sa political families sa kanilang lugar, palagay n’yo mananahimik ang mga politikong masasagasaan.

Tandaan natin na 10 porsyento lang sa registered voters ang papipirmahin sa PI petition kaya meron pang 90 porsyento na pwedeng lapitan ng mga politiko para ibasura sa plebisito ang anti-political dynasty amendment.

Aminin na natin, maraming politiko ang bumibili ng boto kapag sila ang tumatakbo, palagay n’yo hindi nila gagastusan ang plebesito lalo na’t ang kapangyarihan ng kanilang pamilya ang nakataya? Nungka!

134

Related posts

Leave a Comment