UUPONG PNP CHIEF, PROBLEMANG WALANG KALUTASAN ANG DADATNAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MALAKING problema ang kahaharapin ng papasok na bagong Philippine National Police (PNP) chief na papalit sa paalis na si Gen. Benjamin Acorda, Jr., sa kanyang pwesto ngayong buwan ng Marso.

Si PNP Chief Police General Benjamin Acorda, Jr., ay nakatakdang magtapos ang termino sa Marso 31, 2024.

Matatandaan na pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang termino ni Acorda ng hanggang Marso 31, 2024 mula sa orihinal na pagreretiro nito noong nakaraang Disyembre 2023.

Ayon sa natanggap nating impormasyon, nakatakdang magsagawa ng turnover ceremony o change of command sa pagitan nina Acorda at papalit sa kanya sa Marso 27.

Matunog na posibleng pumalit kay Acorda ay sina Deputy Chief PNP for Administration, PLt. Gen. Emmanuel Peralta, at NCRPO Director, PMGen. Jose Melencio Nartatez, Jr.

Maaari ring mapiling PNP chief sina Directorate for Operations Chief, PMGen. Ronald Lee; Directorate for Comptrollership Chief, PMGen. Jose Francisco Marbil; SAF Director, PMGen. Bernard Banac, at CIDG Director Major General Romeo “Bong” Caramat Jr.

Kung sinoman sa kanila ang magiging bagong PNP chief ay siya ang magmamana ng mga problema na naging problema rin ni Acorda at ng mga naunang hepe ng Pambansang Pulisya.

Bakit kamo? Ginawa na ang lahat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para tumaas ang sweldo ng mga pulis subalit sa kabila nito ay marami pa rin sa kanila ang nasasangkot sa iba’t ibang katiwalian.

Nariyan ang extortion, pagnanakaw, panghoholdap, illegal drugs at iba pang katiwalian na may kinalaman sa pagkakaperahan.

Lahat ng mga umupong PNP chief ay nangako ng paglilinis sa hanay ng pulisya subalit hindi ito natutuldukan dahil mayroon pa ring talagang lumilihis sa kanilang chain of command.

Sa ganang akin, mas makabubuti sigurong gumawa ng batas ang mga kongresista at senador na mas mabigat ang parusa sa mga awtoridad na nasasangkot sa katiwalian.

Sila dapat ang nagpapatupad ng batas na ginawa ng mga kongresista at senador, pero sila ang lumalabag dito.

Tila hindi rin solusyon sa kanila ang ginawang pagtataas ng kanilang sweldo dahil hindi sila natitinag sa kanilang masasamang gawain.

Kundi man sila ang gumagawa ng krimen, sila ang nagiging pinuno ng mga sindikato na gumagawa nito.

Lumalabas na wala na silang inirerespeto at kinikilalang batas ng gobyerno sa kanilang pagpasok sa katiwalian, basta ang sa kanila ay kumita ng malaking pera sa mabilis na paraan.

Nakalulungkot na imbes na, “To Serve and Protect” ang kanilang ginagawa sa mga sibilyan ay sila pa ang namemerwisyo sa kanilang dapat na pinagsisilbihan.

Imbes na mabalik ang tiwala ng mga sibilyan sa mga pulis ay nag-aalangan sila na baka sila pa ang mabiktima ng tiwaling mga awtoridad.

Nagtataka lang tayo, bakit hirap na makasunod ang ilang nasa gobyerno sa kani-kanilang mandato?

Base sa ating pagkakaalam, ipinag-uutos sa empleyado ng gobyerno na maging simple ang pamumuhay at iwasan ang mga bisyo na tulad ng sugal at iba pa.

Ang bisyo kasi ang magtutulak sa isang empleyado para kumita ng mas malaking pera sa kanyang tinatanggap na sweldo sa kanyang pinapasukang opisina ng pamahalaan para masuportahan ang kanyang bisyo.

Nagiging malakas ang loob ng mga awtoridad na gumawa ng katiwalian dahil hindi nila problema kung saan sila kukuha ng armas na gagamitin sa kanilang kalokohan.

Awtorisado rin silang magdala ng armas at tiwala sila na makalulusot sila sa mga nagbabantay na kapwa nilang awtoridad.

Abangan na lang natin ang magiting na magiging kapalit ng papaalis na si PNP Chief Benjamin Acorda Jr.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

56

Related posts

Leave a Comment