‘PORDA’ ENGAGEMENT

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY iba’t ibang epekto sa buhay at pagkatao ng bawat indibidwal ang social media. Hindi laging mabuti, kadalasan pangit o nakasasama.

Tulad na lamang ng viral na guro na binabarda ang kanyang mga bastos daw na estudyante.

Noong mga naunang panahon, bahagi ng buhay-estudyante ang masermunan ni titser. Noon may binabato ng chalk, ng eraser, pinatatayo sa labas ng classroom o sa tabi ng blackboard bilang parusa sa makulit o pasaway na estudyante.

Ang kaibahan noon, wala pang social media.

Kaya malaking pagkakamali ng viral teacher ang livestream na pagsesermon. Maaaring ginawa n’ya yun para sa likes, share o sabi nga ng netizens – porda engagement.

Hindi nag-iisa si teacher, marami sa panahon ngayon ang ginagawa ang kung ano-ano na lang, pati nga pagkain binibidyo na. Parang mga kulang sa atensyon na tuwang-tuwa kapag may nagla-like sa kanilang post.

Kaya dapat laging ipaalala ang pagiging responsable sa paggamit ng social media. Malaking tulong ito pero maaari ring makasira hindi lang ng pagkatao kundi maging ng institusyon.

Usaping eskwela pa rin. Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagbabawal sa “No Permit, No Exam” policy sa mga paaralan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11984, pwede nang kumuha ng exam ang mga disadvantaged student kahit hindi pa nakapagbabayad ng kanilang tuition fee.

Magandang balita ito, ngunit hindi lubos ang katuwaan ng mga estudyante at magulang dahil kailangang kumuha ang mga walang pambayad na estudyante ng sertipikasyon sa DSWD bilang katibayan na sila ay mahirap at hindi makababayad ng matrikula bago ang pagsusulit.

Karaniwan na kasi na naghahagilap ang mga magulang ng pangmatrikula at kadalasan ay nakakukuha kapag malapit na ang exam.

Baka kapag nakakuha ng sertipikasyon ay tapos na ang eksamin.

Ang mangyayari niyan ay maniniguro ang mga magulang kaya pupunta na sa DSWD kahit malayo pa ang araw ng exams.

Maaaring magresulta rin ang pagbawal sa no permit, no exam policy sa pagkakapatong-patong ng matrikula ng mahirap na estudyante. Maiipon ang utang kaya lalong mahirap ang pagbabayad.

May posibilidad din na ipagpaliban ang pagbabayad kahit may nakahanda nang pera gawa ng nasabing batas. Ang mangyayari ay isasalin sa ibang gastusin ang naunang inilaan sa tuition fee.

At ano ang epekto ng Republic act 11984 sa pinansiyal na kapasidad ng mga pribadong paaralan na sa pambayad ng mga mag-aaral hinuhugot ang gastos sa pagpapatakbo ng eskwelahan?

Walang epekto ang batas sa pampublikong eskuwelahan na ang panustos ay galing sa pamahalaan.

Sana hindi dahilan ang pagbabawal ng no permit, no exam policy sa pagbabawas ng pribadong eskuwelahan ng mga guro at empleyado o kaya humantong sa pagsasara.

Maaari kasing masuspinde ang permit o kaya ipasara ang mga school na napatunayang lumabag sa batas.

Sakop ng batas ang lahat na public at private K to 12 schools, higher education establishments, at technical vocational institutions.

Anoman ang kahinatnan ng pagbabawal sa no permit, no exam policy, sana ay hindi nito maapektuhan ang mga institusyong pang-edukasyon.

Huwag ding gamitin ng mahihirap ang sertipikasyon na dagdag-pasanin sa pagkuha ng eksam.

Buti na nga ‘yan.

Sanay naman tayo sa hirap kaya huwag na nating asahan na maging madali at magaan ang pagsisikap.

114

Related posts

Leave a Comment