DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISANG buwan na ang nakalipas mula nang manalasa ang bagyong Kristine na nagpalubog sa halos buong Bicol region na nakaapekto sa mga karatig lalawigan tulad ng Batangas at Quezon na sinundan pa ng 5 pang bagyo na ininda ng mga tao hanggang Northern Luzon partikular na ang Cagayan at Isabela.
Ang dating panaghoy ng tulong ay tumahimik na dahil nag-alisan na ang mainstreams media sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at naiwan ang mga biktima na hindi alam kung papaano sila makababangon at hindi na nila iniisip ang darating na Pasko dahil sa kanilang kalagayan.
‘Yung mga isyu sa flood control projects na ginagastusan ng higit isang bilyong piso araw-araw na muling nakalkal dahil sa mga bagyong nagdaan ay hindi na rin pinag-uusapan dahil mas natatakpan na ito ng ingay sa pulitika sa Metro Manila.
Abalang-abala ang mga lider natin sa kanilang political war kaya parang napababayaan na ang mga biktima ng kalamidad gayung marami pang dapat gawin para matulungan silang makabangon.
Hindi pa dapat matapos ang pagtulong ng gobyerno sa mga biktima ng kalamidad. Kailangan pa nila ng alalay para mabilis silang makabangon pero mukhang nakalimutan agad sila ng pambansang gobyerno.
‘Yung ipinamigay nilang relief goods na para sa ilang araw lang ay hindi dapat ipagmalaki ng gobyerno at hindi dapat ipagpasalamat ng mga biktima dahil may responsibilidad ang gobyerno sa kanila.
‘Yung construction materials na ipinamigay na iilang piraso ng yero, plywood at coco-lumber, pako at alambre ay hindi ‘yun makatutulong sa mga inanod o kaya nasira nang husto ang bahay. Saka bakit coco lumber? Ang baba naman ng tingin n’yo sa mga tao.
Maraming bansa ang nagbigay ng tulong pinansyal para makabangon ang mga biktima ng kalamidad, kailangang i-account ang mga ‘yan at i-report kung sino ang beneficiaries ng mga tulong na ‘yan.
Sa nakaraang mga bagyo, laging may mga bansa na nagbibigay na tulong pinansyal, milyones ang halaga pero hindi natin alam kung papaano at saan ginamit ang mga ‘yan. Nakinabang ba talaga ang mga biktima?
Hindi dapat magkalimutan sa mga problema ng bansa dahil sa bangayan ng mga lider natin at hindi dapat madamay o idamay ang mga Pinoy sa kanilang problema kaya habang sila ay nagbabatuhan ng putik, dapat gawin ang dapat nilang gawin.
Napapansin ko kasi na kapag nag-uumpugan ang mga lider, parang walang mas malaking problema ang bansa. Nandyan ang malalang katiwalian na hindi nareresolba, walang napapanagot kaya namimihasa ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang suwerte ng mga lider natin dahil poder ang kanilang pinag-aawayan samantalang ang kanilang dapat pinamumunuan ay pinoproblema kung paano iraraos ang kanilang araw-araw na pagkain dahil sa palobo ng inflation. Mahiya naman kayo sa amin!
61