RAPIDO ni PATRICK TULFO
SAMU’T saring issue ngayon ang kinakaharap ng organizers ng katatapos lang na 2024 BOSS (BMW Owners Society of Saferiders) Ironman Motorcycle Challenge na sinalihan ng mahigit sa 1,200 na motorcycle riders.
Kabilang dito ang ilang aksidente at insidente na kinasangkutan ng mga rider o participants nito. Dalawa ang napabalitang namatay sa katatapos lang na challenge.
Sa inilabas na pahayag ng organizers ng nasabing challenge, nagpasalamat ang mga ito sa PNP, Bureau of Fire Protection, LTO at local government unit na nakasasakop sa kanilang naging ruta. Nagpaabot din ng kalungkutan ang mga ito sa nangyaring aksidente at sinabing magpapaabot pa sila ng tulong sa pamilya ng mga biktima.
Sa pagpapasalamat nito sa LGU, ibig sabihin ay nakipag-ugnayan sila sa mga ito upang payagan silang gamitin ang kalsada sa lugar na kanilang dinaanan. Ang tanong ko lang, hindi ba binigyan ng LGU ng babala ang organizers nito tungkol sa ginagawang mga kalye sa kanilang nasasakupan? Hindi ba nila sinabihan ang organizers na madilim sa isang rutang kasama sa kanilang daraanan? O hindi ba na-check ng organizers kung safe ba ang kanilang daraanan bago ito nag-finalize ng ruta? Napaalam ba sa kanilang constituents o nasasakupan na may magaganap na challenge sa kanilang kalye upang iwasan na ng ibang motorista na lumabas sa mga oras na daraan ang grupo?
Sa nakita kong mga video na kuha sa nangyaring mga aksidente, ay napakaraming tanong.
Hindi tayo tutol sa ginagawa nilang challenge dahil ako mismo ay may mga kaibigang mahilig sa motorsiklo at wala namang may gusto na maaksidente o makaaksidente. Ang sinasabi lang natin, dapat ay nagkaroon ng masinsinang pagpaplano ang organizers nito upang maiwasan ang aksidente, hindi lang ng participants nito kundi maging sa mga pedestrian at ibang motoristang hindi kasali sa challenge.
Ang Ironman Challenge ay ginagawa rin sa ibang bansa kung saan binibigyan ng 24 oras ang participants na tapusin ang challenge. Sa katatapos lang na BOSS Ironman Motorcycle Challenge, ang mga kasali ay nagbayad umano ng P7,500 na registration fee na gagamitin ng organizers sa charity activities nito.
226