CLIMATE CHANGE PREPARATIONS PARA SA MAS MAGANDANG BUHAY

USAPANG KABUHAYAN

Ini-report ng World Bank nitong nakaraang araw na kailangan na lakihan ng mga bansa tungo sa 4.5 por­syento ng kabuuang produksyon ng ekonomiya nila o ang gross domestic product (GDP) ang gastusin para sa mas matibay na mga imprastraktura at sistema para maging handa at mas kayanin ng taumbayan ang mga mas matitinding bagyo, init, baha, at iba pang kalamidad sanhi ng climate change.

Pero sa Pilipinas, mas malaki pa sa sinabing antas ng World Bank ang gastos sa Build, Build, Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil 5.4 porsyento na ng ating GDP ang katumbas ng budget para rito, at plano pang paabutin sa doble ang budget tungo sa 8.4 porsyento ng GDP ang gastusin sa 2022 pag patapos na ang termino ni Duterte.

Ang isang benepisyo kasi ng mas malaking gastusan para sa mga imprastraktura ay magkakaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Filipino, lalo na sa mga mahihirap. Ang dagdag na trabaho ay inaasahang magpapalaki lalo ng ekonomiya, na kung mangyari ay inaasahan namang lalong palalakihin ang kita ng gobyerno na pwede nitong gamitin sa lalong mas malalaking proyekto para sa mas maunlad na mga komunidad.

Ang ibig sabihin nito ay kayang pondohan ng pamahalaan ang mga benepisyo para sa taumbayan gaya ng Universal Health Care na lahat tayo ay pwedeng magpatingin o magpagamot sa ospital o sa mga doktor nang libre at sagot ng PhilHealth. Ang ibig sabihin nito ay hindi mapuputol ang libreng edukasyon para sa ating mga anak. Hindi rin mapuputol ang 4Ps para sa mga mahihirap na mga pamilya.

Ang ibig sabihin ng mas malaking gastusin para sa mga imprastraktura ay magiging mas matibay na dapat ang mga kalye, tulay, building at mga pampublikong lugar pambiyahe. Dapat ay mas maging mahusay ang pagpapatupad ng mga regulasyon at batas para maging mas ligtas ang kalye at pati na ang mga pampublikong sasakyan para sa ating lahat dahil mas maraming law enforcers na may mas malaking sweldo para hindi na sila mangotong. Ito ang isa sa mga mahusay na pamumuhay na tinutumbok ng World Bank sa panukala nitong mas lakihan ng mga pamahalaan ng mga bansa ang gastusin nila sa imprastraktura. Ang tanong ay makikita ba natin talaga ang mga benepisyo na ‘yan? Harinawa’y mangyaring totoo ang mga pangarap sa papel.  (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

 

220

Related posts

Leave a Comment