349 LGU’s SUMUSUPORTA SA CPP-NPA; PRICELIST INILABAS

npa

(NI JESSE KABEL)

TINUTUTUKAN ng Department of Interior and Local Government ang umanoy 349 local government officials na sinasabing supporter ng Communist Party of the Philippine- New Peoples Army (CPP/NPA).

Mismong si  Interior Secretary Eduardo Año ang naghayag na mayroong  mga local government officials ang patuloy na sumusuporta sa CPP-NPA.

Sa press conference kaugnay sa security preparation ng AFP-PNPA at Comelec para sa midterm elections, kinumpirma ng kalihim ang 349  local govt officials na  nagbabayad ng ‘permit to win fee’ at ‘permit to campaign fee’ sa CPP-NPA.

Sa intel report na hawak ng kagawaran, may 55 alkalde, 21 bise alkalde, 41 municipal councilors, 176 barangay captain at barangay councilors, 11 mga dating local government officials, 10 incumbent congressman at isang dating congressman.

Ito ay sa likod ng panawagan ng PNP at AFP na huwag magbayad ang mga ito ng extortion money sa CPP-NPA dahil magagamit ito ng komunistang kilusan sa pakikipag laban sa gobyerno

Sinasabing simula pa ng taong 2016 ay natitiktikan na ang kilos ng mga local government officials mula sa region 5, region 10, region 11 at region 2.

Sa pagtataya ng Duterte administration, nasa P194.5 milyon na ang naibayad ng mga politikong ito sa CPP-NPA simula 2016 hanggang taong 2018 at malaking bulto umano nito ay nakararating sa kanilang liderato na nasa abroad.

Sinabi ni Año na ang mga impormasyong ito ay batay sa intelligence community at ngayon patuloy pa silang kumakalap ng impormasyon para masampahan ng kaso ang mga ito.

Nabatid sa hawak na datos ng DILG, nasa P2 hangang P5 limang milyon ang sinisingil ng CPP-NPA sa mga kumakandidatong senador habang umaabot naman sa P500,000 hanggang P650,000 ang kailangan ibayad ng mga kumakandidatong congressman governor at mayor bilang permit to campaign.

Sa inilabas na price list, P20 milyon umano ang pinakamatas na sinisingil ng NPA para sa presidential candidates at pinaka maliit naman para sa mga municipal councilor na nasa P5,000 hanggang P25,000 libo lamang.

Muli nanawagan ang PNP at AFP sa mga kumakandidato na huwag magbayad ng extortion money sa CPP-NPA at agad na ipagbigay-alam sa kanila upang mapagkalooban ang mga nangangampanya ng sapat na seguridad.

239

Related posts

Leave a Comment