WALANG SILBI ANG GUN BAN

BAGWIS

Sa kabila ng umiiral na election gun ban,  tila lalong dumarami ang mga nagaganap na patayan. Lalo pa nga yatang nagiging mas mapangahas at mas brutal ang mga kriminal at mas lalong wala na silang kinakatakutan.

Kailan lang  ay dalawang katao ang patay matapos silang pagbabarilin habang nakasakay sa van sa kahabaan ng EDSA.

Sunud-sunod din ang mga pagpatay ng mga opisyal ng barangay sa Lungsod ng Maynila at sa iba pang mga lugar. Mukhang nagkakaroon na nga ng pattern ang mga patayang nagaganap sa Tondo dahil halos lahat ng sangkot ay mga opisyal ng barangay.

Matagal na nating ipinaglalaban na ang paghihigpit sa mga lehitimong gun owner ay walang maidudulot na mabuti. Ako’y naniniwala na walang koneksiyon ang kriminalidad sa gun ownership basta’t ito ay  legal at dumaan sa masinsin na proseso.

For one, hindi naman gumagamit ng mga legal at lisensiyadong baril itong mga kriminal. Siyento-porsiyento na mga loose firearm ang gamit nitong mga walanghiyang nasa likod ng mga nagaganap na karahasan.

Sino naman ang tarantadong gagamit ng kanyang legal na baril upang magsagawa ng krimen? Kasama sa requirement upang malisensiyahan ang isang baril ay kinakailangang dumaan ito sa ballistics kaya’t madali itong matunton kapag ginamit sa kasamaan.

Sa kabilang banda, mas nagiging mapangahas ang mga kriminal sapagka’t batid nilang dahil sa gun ban ay malaya nilang maisasagawa ang kanilang masamang balak. Batid nilang hindi makakapanlaban ang kanilang mga target dahil sa  gun ban.

Hindi mo kailangang maging henyo para mabatid na walang epekto ang election gun ban upang mapigilan ang karahasan. Wala ring epekto ang gun ban upang mapigilan ang mga karahasang may kinalaman ang mga baril dahil malinaw na ang mga ginagamit sa mga krimen ay mga loose firearms.

In short, walang silbi ang gun ban kaya’t mas mabuti sigurong isantabi  na ito sa mga susunod na halalan.  Sa halip na tanggalan ang ating mga mamamayan ng karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga kriminal ay mas mabuting paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa mga loose firearms.

Ang tunay na kaaway ng kapayapaan ay itong mga kriminal at hindi ang mga licensed gun holders na tahimik na namumuhay. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

9

Related posts

Leave a Comment