Nakakalungkot isipin na dalawang araw bago lumapag sa Clark International Airport ang chartered Royal Air flight na nag-evacuate sa 30 Pilipinong nagtratrabaho sa epicenter nang nakakamamatay na Coronavirus sa Wuhan City sa Hubei, China, nagprotesta ang mga residente ng Capas, Tarlac para tutulan ang paggamit sa Athlete’s Village bilang quarantine center.
Mismong ang mayor ng Capas City na si Reynaldo Catacutan ang nanguna sa pagtutol na gawing quarantine center ang Athletes Village sa New Clark City at nagpasa pa ng resolusyon ang Municipal Council ng Capas sa pangunguna ni Vice Mayor Roseller Rodriguez na siyang presiding officer ng konseho.
Ilang residente rin ang nag-rally sa Sitio Kamatis na malapit sa Athletes Village para bigyang-diin ang kanilang pagtutol na gawing quarantine area ang munisipyo ng Capas.
Hindi ko alam kung sanhi ng pagiging ignorante sa 2019 novel Corona Virus -Acute Respiratory Disease (2019-nCoV-ARD) o sadyang walang malasakit sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Wuhan City ang nagtulak sa mga taga-Capas na tutulan ang pag-quarantine sa ating mga kababayan sa kanilang munisipalidad.
Pinagdidiinan ni Mayor Catacutan at Vice Mayor Rodriguez na hindi sila kinonsulta ng Department of Health hinggil sa paggamit ng Athletes Village bilang quarantine center at kung totoo man ito, may umiiral na emergency situation at dapat inintindi ito ng mga taga-Capas.
Mabuti na lamang at kumilos kaagad ang Department of Interior and Local Government kung kaya paglapag ng chartered Royal Air flight mula sa Wuhan City ay walang aberyang nangyari at mabilis na nadala sa Athletes Village ang 29 na OFWs at isang sanggol kung san sila isinailalim sa 14 na araw na monitoring kung may positibo sa kanila sa Coronavirus.
Kabilang din sa magqua-quarantine ang flight crew at personnel ng DoH na sumundo sa 29 na OFWs sa Wuhan City. Pati ang driver ng bus na nagdala sa Athletes Village sa mga OFWs mula sa Clark Airport ay isasailalim din sa quarantine.
Coronang tinik na maituturing ang naturang virus dahil hindi lang racism o pag-aglahi sa mga Chinese dahil sa virus at kawalan ng malasakit sa mga kapwa nating Pilipino na nagtratrabaho sa Wuhan City at sa Hubei province kung saan may itinatayang 150 na OFW.
Sakaling may positibo, kailangan ng matinding pang-unawa at malasakit hindi lamang mula sa mga taga-Capas, Tarlac kundi sa lahat ng mga Pilipino partikular ang mga may kamag-anak o kaibigan na posibleng nahawahan ng Corona virus. RAYMOND BURGOS
446