Taong 2017 sinimulan ang rehabilitasyon ng Manila Metropolitan Theater (MET) sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na siyang nangangalaga sa P260 million budget na inilaan para sa MET.
Sa unang kwarto ng 2020 matatapos ang renobasyon ng main theater ng MET at inaasahang muling makapapanood ang mga Filipino ng mga sariling ating pagtatanghal gaya ng mga zarzuela o musical play.
Ang National Center for Culture and the Arts (NCCA) ang nagma-may ari ng teatro at kabilang sa mga ilalagay sa MET ang isang ballroom na puwedeng paupahan gayundin ang isang museo na bukas sa publiko, kabilang na ang mga estudyante at turista.
May ilalaan ding espasyo para sa artists o alagad ng sining kung saan puwede silang magtrabaho o magbigay ng mga workshop.
Kailangan lang gawing pang-masa ng NCCA ang bagong MET nang sa gayon ay maiwaksi ang pananaw na pang-elista ang sining na isang dahilan kung bakit ilang beses nang sumailalim ng renobasyon ang MET pero palaging nagsasara dahil lugi.
Unang sumailaim ng rehabilitasyon ang MET sa pangunguna ni dating Unang Ginang Imelda Marcos pero nagsara noong dekada 90 dahil sa dumaraming utang mula sa Government Service Insurance System o GSIS.
Sinikap ding i-renovate ang MET sa ilalim ng siyam na taong administrasyon ni Gng. Gloria Macagapal Arroyo pero bigo ring masustine ang teatro at mulng nagsara.
Maituturing na bahagi ng national heritage and MET dahil ang arkitekto nito ay si Juan Arellano na siya ring nag-disenyo ng kalapit na Manila Central Post Office building na harap ng Liwasang Bonifacio.
Disyembre 10, 1931 pinasinayaan ang MET at dito napapanood ang mga zarzuela na ang ilang materyal ay ginagawang pelikula gaya ng sikat na zarzuela na may pamagat na “Walang Sugat.”
Kung babalikan ang itinakbo ng MET noong mga dekada 30, 40 at 50, makikitang ang masang Filipino ang bumuhay sa teatro dahil sila ang mga nanood ng mga zarzuela at vaudeville.
Isang dahilan siguro ng paghina ng MET ay ang paglakas ng sining ng pelikula na naging bagong karanasan para sa mga Filipino at sinasabi nga noong patok ang pelikula sa takilya kung maingay ang mga bakya sa loob ng sinehan na siyang gamit ng mga kababaihan.
Hanggang ngayon ay masa ang pangunahing tumatangkilik ng pelikula sa mga sinehan partikular ang pelikulang Filipino kaya nga nagiging box-office hit ang ilan sa mga ito, na dahil sa masa na tinatawag noon na “bakya crowd.”
Kung nais ng NCCA na kumita ang MET at masustine ng ticket sales ang operasyon nito, kailangang makaroon ito ng “mass appeal” na ang ibig sabihin ay hindi dapat gawing elitista ang sining gaya ng nangyari sa Cultural Center of the Philippines na hindi pang-masa ang mga palabas. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
159