Sa kabila ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at ilegal na droga, may naitatala pa ring brutal na pagpatay, panggagahasa at paglabag sa paggamit at pagbebenta ng illegal drugs.
Aminado ang mga awtoridad na lalong lumala ang operasyon ng ilegal na droga sa Pilipinas sa kabila ng kanilang pagsisikap na labanan at sugpuin ang paglaganap nito.
Naniniwala tayong hindi tumitigil sa pag-aksyon ang PDEA at hanay ng PNP upang sugpuin ang krimen at operasyon ng ilegal na droga sa bansa, subalit mukhang hindi ito sapat upang tuluyang masawata ang hamong ito.
Patuloy na banta sa seguridad hindi lamang ng mga kabataan, kundi ng mga mamamayan sa kabuuan ang patuloy na operasyon ng mga sindikato dahil kulong lamang ang penalty sa mga nahuhuling bigtime syndicate dito sa ‘Pinas.
Nakapanghihinayang isipin na sayang lang ang mga operasyon na ginagawa ng illegal drug authorities para hulihin ang mga sangkot at buwagin ang mga laboratoryo, gayundin ang pagtimbog sa drug shipments ng mga sindikato.
Gaya rin sa gumagawa ng karumal-dumal na krimen, kailangan nilang pagbayaran nang buo ang hatol ng korte – na kapag buhay ang inutang, buhay rin ang kapalit para makamit ang hustisya ng mga biktima.
Hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sistema ng kaparusahan sa mga taong gumawa ng krimen laban sa lipunan. Inaabot ng 10 taon upang habulin at litisin ang isang pusakal na kriminal bago makulong. Ngunit sa isang iglap ay maaaring pakawalan ang mga ito dahil sa maling interpretasyon ng batas sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa palagay ng inyong lingkod, panahon na para muling ipatupad ang pagpapataw ng parusang bitay laban sa mga kriminal at magdalawang isip ang mga sangkot sa nagbebenta ng illegal drugs dito sa ating bansa. May responsibilidad ang pamunuan na siguraduhing tahimik at maayos ang pamumuhay ng mamamayan.
Ang parusang bitay ay hindi kalupitan. Ito ay paraan upang mapigilan ang sinumang magtatangkang gumawa ng krimen o masangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Ito rin ang paraan upang maturuan ng leksyon ang mamamayan na hindi sila dapat gumawa ng matinding paglabag sa batas dahil buhay nila ang kapalit nito.
Ibalik ang death penalty kontra ilegal na droga at para mabigyan ng katarungan ang pagkawala at pagkasira ng buhay ng mga biktima ng heinous crimes – igawad ang hustisya sa kanila. (Forward Now / Rep. FIDEL NOGRALES)
193