BUNSOD nang pagsiklab ng kaguluhan sa gitnang Silangan matapos paslangin ang top Iranian military leader na si Qasem Soleimani, naisip ng inyong lingkod na napapanahon na upang maipasa sa lalong madaling panahon ang batas na magtatatag ng departamento na titiyak sa kaligtasan at seguridad ng Overseas Filipino workers.
Bilang isang serbisyo publiko, nais ng inyong lingkod na matiyak na ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment bill ay sumasalamin sa reyalidad o totoong nangyayari sa ibang bansa kung saan naroroon ang ating mga makabagong bayani.
Sa pagbisita ko sa ilang lugar sa Middle East, nakipagdayalogo ako sa OFWs kung saan inalam ko ang kanilang saloobin hinggil sa panukalang kailangang masertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent at priority ang Department of Filipino Overseas bill.
Nakipag-ugnayan ako sa OFWs sa Abu Dhabi at United Arab Emirates upang alamin ang kanilang kalagayan at mga suliranin upang mas matugunan ng ating tinututukang panukalang batas ang kanilang mga pangangailangan.
Nais ng inyong lingkod na maging mabilis ang paglutas sa mga kaso nang pag-aabuso ating mga kababayang naghahanap-buhay sa ibang bansa, maprotektahan sila sa mga batas para sa OFWs at masawata ang illegal recruitment na nagpapahirap sa ating mga kababayang nagtutungo sa abroad para sa kabuhayan.
Nasulit ang pagbisita ng inyong mambatatas dahil naibahagi natin ang kaalaman tungkol sa ‘practical matters’ sa pamamagitan ng isang legal forum, lalo na sa usapin ng legal assistance fund para sa kanila.
Bilang isang mambabatas, nais ko ring magkaroon ng policy debate sa isang probisyon sa iminungkahing batas na maaaring humantong sa pag-phase out nang pagpapadala ng household service workers (HSWs) sa ibang bansa.
Ang naturang probisyon ay nagtatakda ng five-year timeline para sa gobyerno upang matiyak na tanging mga skilled at semi-skilled Filipino workers lang magde-deploy pagkatapos ng deadline. Ilang mga eksperto ang nagsabi na batay sa probisyon ay hindi na maaaring isama ang HSWs.
Kaya nga ang inyong lingkod ay nakipag-balitaktakan para tutulan ang pagsasama ng naturang probisyon, dahil maaari itong humantong sa maraming mga kaso ng pang-aabuso sa OFW.
Sa datos mula ng Philippine Overseas Employment Administration, makikita dito na sa 459,080 nai-deploy na mga bagong hire noong 2017, halos kalahati o nasa 251,349 sa mga ito ay HSWs.
Kaya naman para sa akin, kung pagbabatayan ang kasaysayan, ang HSWs ang pinakamahina sa lahat ng mga kabilang sa sector ng OFW. Sila ang nabibiktima ng human trafficking at pang-aabuso lalo na’t hindi natin masisiguro na hindi na makikipagsapalaran ang mga kababayan natin sa kabila ng phase out sa HSW deployment.
Igigiit ko pa rin na magkaroon tayo ng probisyon na titiyak na mabibigyan sila ng karampatang proteksyon.
Dalangin ko na pumasa sa Kongreso ang DFO-OF dahil magiging mandato nito ang pangangalaga at pagsusulong ng kapakanan, kagalingan at interes ng mga pamilya ng OFW. (FORWARD NOW / Rep. Fidel Nograles)
397