DESERVE NG MGA GURO ANG KARAGDAGANG LEAVE CREDITS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO 

HINDI natatapos ang usapin tungkol sa sahod at benepisyo ng mga manggagawang Pilipino. Ultimo ang minimum wage sa bansa ay napakainit na usapin. Bukod naman kasi sa talagang malaki ang binabayarang tax ng mga manggagawa, ang mahal na talaga mabuhay sa Pilipinas.

Anomang karagdagang benepisyo para sa mga manggagawa, talaga namang malaki ang naidudulot na tulong.

Kaya naman magandang balita itong desisyon ng Department of Education o DepEd na doblehin ang vacation service credits o ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng kautusan na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, itinaas sa 30 araw ang VSCs ng mga guro mula sa dating 15 araw — malaking tulong ito sa public school teachers na madalas ay nagtatrabaho lampas sa kanilang regular na oras.

Ayon pa sa bagong kautusan, makikinabang dito ang mga guro na may isang taon na sa serbisyo at maging ang mga bagong guro na na-appoint apat na buwan matapos magsimula ang klase.

Isa pang mahalagang pagbabago ang bagong sistema ng pagkalkula ng service credits. Makakukuha ng 1.25 oras ng VSC para sa bawat araw ng kanilang serbisyo ang mga guro na nagtatrabaho nang lampas sa regular work hours sa mga araw ng pasok. Samantala, kapag naman nagtrabaho sa Pasko, summer breaks, weekends, o holidays, may makukuha silang 1.5 oras ng VSC.

Deserve na deserve naman ‘yan ng mga guro na talaga namang kahit tapos na ang school day, tuloy pa rin sa pagtatrabaho at kadalasan, nasasakripisyo pa ang kanilang personal time para lamang tapusin ang mga gawain.

Hindi naman kasi talaga natatapos ang pagiging guro sa loob ng classroom. Bukod sa pagtuturo, kailangan pa nilang maghanda ng mga lesson plans, gumawa at mag-check ng exams, at magsagawa ng iba’t ibang administrative works.

Ang oras at panahon din na inilalaan nila, minsan talaga sobra-sobra kaya ‘di na maiwasang nagkakaroon ng epekto sa kanilang pisikal at mental wellness.

Ano ba naman ‘yung karagdagang leave credits, hindi ba? Pero sana, gawin na ring batas o kaya sundan ng private schools para naman lahat ng guro ay makinabang sa ganitong benepisyo.

Kung bibigyan sila ng mas maraming leave credits, magkakaroon sila ng sapat na panahon upang makapagpahinga at mag-recharge, na makatutulong naman para mas maging epektibo sila sa kanilang pagtuturo.

Importante ‘yan dahil kritikal ang papel na ginagampanan ng mga guro sa paghubog ng kaisipan ng mga kabataan. Hindi madali kung iisipin dahil sa dami ng mga estudyante, iba’t ibang ugali, pangangailangan, at pagkatao ang kailangan intindihin at atupagin.

Makatutulong ang pagsigurong nasa maayos silang kondisyon para masigurong maayos din ang kalidad ng pagtuturo at edukasyong nakukuha ng mga mag-aaral.

Sa isang propesyon na hindi madalas bigyan ng nararapat na sahod at benepisyo, nagsisilbi itong hakbang ng pamahalaan na magbigay ng karagdagang VSCs na karagdagang compensation at pagkilala sa walang sawang serbisyo ng mga guro.

Nararapat lang na patuloy na suriin ang estado ng mga guro sa bansa, at bigyan sila ng pagpapahalaga. Kaya kudos, DepEd. Sana marami pang programa sa hinaharap para sa mga guro na napakahalaga ng papel na ginagampanan hindi lamang sa sektor ng edukasyon, kundi pati na rin sa ating personal growth.

91

Related posts

Leave a Comment