DILG, PALALAKASIN ANG UGNAYAN NG BARANGAY AT OFW

AKO OFW

Binisita ng Ako OFW ang opisina ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino nitong Martes upang talakayin ang mga suliranin ng mga OFW at pamilya ng mga ito.

Hindi talaga nagkamali si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagtatalaga sa dating barangay captain ng Quezon City para pamunuan ang mahigit na 42,000 na barangay sa buong Pilipinas. Ang kanyang kasanayan sa pamamalakad ng barangay ang naging dahilan upang mabilis niyang maunawaan ang mga isyu na aming tinalakay. Higit na nakatutuwa na may mga sarili na pala siyang plano at inisyatibo na magbibigay tulong sa mga pamilya ng OFW.

Kabilang sa kanyang sinabi at ipinangako na ipatutupad ay ang pagpapadali ng pagkuha ng OFW remittance para sa mga pamilya ng mga OFW sa mga liblib na barangay. Ayon kay Usec. Dino ay kanyang uutusan ang mga barangay na malalayo sa kabihasnan o siyudad na abonohan ang mga ipinadalang pera ng OFW para sa kanilang pamilya at ang barangay na lamang ang siyang kukuha nito sa remittance center sa siyudad dahil sila naman ay may mga sasakyan na magagamit.

Isa  rin sa aking iminungkahi na ang mga paalis na OFW ay dapat na magkaroon ng clearance sa barangay upang maipaalam sa barangay ang kanilang pag-alis at maipagbilin ang kanilang pamilya na siya namang pangangalagaan ng mga barangay laban sa droga at mga masasamang elemento habang nasa ibang bansa ang kanilang magulang.

Ibinalita rin ni Usec. Dino na kanyang ipatutupad ang pagkakaroon ng Barangay OFW Desk sa lahat ng barangay sa buong Pilipinas. At dahil dito, ay aking iminungkahi kay Usec. Dino ang pagbuo ng OFW Council sa bawat barangay na bubuuin ng mga dating OFW o pamilya nito at pamumunuan ng barangay captain o kagawad kung ito ay dating OFW. Nakatutuwang malaman na ang ideyang ito ay isa rin sa naiisip na ipatupad niya sa pagsisimula ng pagbuo ng Barangay OFW Desk.

Sinamantala ko rin ang pagkakataon na imbitahan ang kanyang opisina na magtalaga ng regular na host para sa aming ilulunsad na programa na “Barangay at OFW” sa Ako OFW Teleradyo na tatalakay sa mga suliranin o problema ng mga OFW sa kani-kanilang barangay na matatanggap mula sa Barangay OFW Help Desk.

Nagkasundo rin kami ni Usec. Dino na magpirmahan ng Memorandum of Understanding (MOU) upang mas lalong palakasin ang ugnayan ng Ako OFW at DILG na magiging magkatuwang sa pagbisita sa lahat ng barangay sa buong Pilipinas upang magbigay ng seminar upang maiwasang maging biktima ng illegal recruitment at human trafficking. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

341

Related posts

Leave a Comment