Tunay na malaking bagay ang pagkakahati-hati ng isang lugar sa Navotas City na naging tatlong barangay dahil mas napadali ang drug-clearing operations dahil ang mga ito ay epektibong nadeklarang drug-cleared areas ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kaya agad namang ipinaabot ni Mayor Toby Tiangco sa chairmen ng Barangays North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran, Proper at Dagat-dagatan ang pagkilala sa kanila sampu ng kanilang mga kasamahan at constituents.
“Ipinapakita lamang nito na tama ang naging desisyon natin na hatiin ang NBBS. Dahil dito, naging mas madali at epektibo ang pamamahala natin ng ating mga barangay, kasama na ang pagpapaigting sa ating laban sa droga.”
Si Mayor Tiangco ang nagsulong sa paghahati sa NBBS noong siya ay kinatawan pa lamang ng Navotas. Naging batas ang panukala niya matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10933.
Kabataang Navoteño, katuwang sa pamamahala
Sa katatapos lamang na 2019 Navotas Youth Congress kung saan may 450 mag-aaral ang lumahok, hinikayat ng alkalde na maging kapaki-pakinabang bilang kabataan at maging ka-partner ng pamahalaang lungsod.
“Batid ninyo, mula sa sarili ninyong mga karanasan, ang realidad ng kalagayan ng kabataang Navoteño. Ang pagpaparinig ninyo ng inyong boses at pag-aambag ng inyong opinyon, lalo na tungkol sa mga proyekto at programa na ating kasalukuyang isinusulong o nais ninyong ipatupad namin, ay malaking tulong upang higit nating mapagsilbihan ang inyong sector.”
Katuwang ng pamahalaang lungsod sa matagumpay na pagdaraos ng Youth Congress ang Hirayang Kabataan, Kids Who Save, Baybayin Buhayin Inc., Youth Strike for Climate PH, Youth for Mental Health Coalition, Center for Youth Advocacy and Networking Pilipinas, Hand and Heart, Young Southeast Asian Leaders Initiative, Habi Design Lab at Xavier School.
Paglilinis sa Bangkulasi River, sinimulan
Sinimulan na ng pamahalaang lungsod kasama ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang ahensya ng pamahalaang nasyunal ang paglilinis ng Bangkulasi River.
Nangako si Mayor Toby na gagawin ng pamahalaang lungsod kasama ang barangay officials na makakaya nito para malinis ang ilog at mapaunlad ang kalidad ng tubig nito.
“Noong nakaraang linggo, nagsagawa kami ng dayalogo kasama ang mga mangingisdang maaapektuhan ng clean-up drive. Ipinaliwanag namin kung bakit kailangan nilang ilipat ang kanilang mga bangka sa Navotas Fish Port.” (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
323