CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BAKIT ramdam ng mga Pilipino na sila ay mahirap sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho?
Bumaba ang unemployment rate ng Pilipinas sa 3.1% noong Hunyo 2024, katumbas ng 1.62 milyong Pilipino. Ito ay mas mababa sa 4.1% o 2.11 milyong Pilipino noong Mayo 2024, at 4.5% o 2.33 milyon na walang trabahong Pinoy na naitala noong Hunyo noong nakaraang taon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang bilang ng may trabaho noong Hunyo 2024 ay naitala sa 50.28 million.
Nabawasan nga ang walang trabaho, pero bumilis ang inflation rate sa 4.4% nitong Hulyo, mas mabilis kaysa 3.7% rate noong Hunyo. Tumaas ang inflation noong Hulyo dahil sa pagsipa ng mga bayarin sa kuryente, presyo ng pagkain at transportasyon, ayon PSA nitong Martes.
Wala ring epek ang bawas-tambay at lalong mahihirapan ang mga ordinaryong Pilipino na makasabay sa taas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Hindi puwedeng kapitan ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho dahil ayon nga sa PSA ay tumaas din ang underemployment sa 12.1%, katumbas ng 6.08 milyong Pilipino nitong Hunyo.
Ang underemployment ay tumutukoy sa nagtatrabahong indibidwal na naghahanap ng dagdag na oras ng trabaho o nais magkaroon ng iba pang trabaho, o bagong trabaho na mahaba ang oras.
Sa taas ng presyo ng mga bilihin ay hindi mapagkasya ng trabahador ang sweldo sa mga gastusin kaya ang nasisilip na remedyo o pampuno ay magkaroon ng iba pang pagkakakitaan.
Ayon sa PSA, ang construction ang industriya na nagbigay ng maraming trabaho nitong Hunyo 2024. Sumusunod ang wholesale at retail trade, repair ng motor vehicles at motorcycles, accommodation at food service activities, manufacturing at transportation at storage.
Karamihan sa mga ganito ang trabaho ay nasa informal sector, hindi malaki ang kinikita, ngunit itinuturing pa ring may trabaho.
Kaya pala dumarami ang antas ng underemployment.
Hindi rin garantiya ang mababang bilang ng walang trabaho na magtatagal sila sa pinagtatrabahuan.
Pana-panahon lang ang estado ng kanilang pinapasukan. Wala ring katiyakan kung magtatagal o kikita ang maliliit na negosyo na sumasabay lang sa okasyon o panahon.
Sinabi nga ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na kahit mataas ang antas ng employment, ang ilan sa mga trabaho ay hindi ang uri ng trabaho na gusto nila na para sa mga Pilipino.
O, ano ang mga plano ng gobyerno para makapagbigay ng trabaho na nais nito para sa sambayanan. Puro plano na pasakalye lang naman ata ang mga sinasabing pagbubutihin ang business climate ng bansa para makaengganyo ng mga mamumuhunan na lilikha ng mga de-kalidad na mga trabaho.
Dapat nga kasi, ihayag na ang totoong lagay ng pledges o FDI na naiuwi ni PBBM mula sa 11 niyang biyahe sa 9 na bansa.
Hirap na ang mga Pinoy. Milyong Pinoy pa rin ang walang trabaho. May trabaho nga pero underemployed naman. May trabaho nga pero, padadapain naman ng mataas na antas ng inflation.
Kahit sabihin pang bumagal ang rice inflation sa 20.9% nitong Hunyo mula sa 22.5 percent noong Hunyo ay gasino na ang ibinaba ng presyo ng bigas sa merkado? Mabigat pa rin sa bulsa, malamang.
Aaray na lang ba ang mga Pinoy, lalo na ang mga pobre na nga, hikahos pa?
Sa papel lang ata totoo ang sinasabing bumaba ang bilang ng mga Pilipinong hirap sa buhay, na iba sa tunay na nararamdaman ng mga Pinoy.
Papetiks-petiks kasi ang lider na magaling ilista sa tubig at ibulong sa hangin ang mga pangako.
128