Masasampolan ng kasong economic sabotage kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang water concessionaires sa ‘Pinas.
Hindi nakuntento si Pangulong Duterte sa kanilang serbisyo, inaasahan niya na maaayos ang kanilang pangangasiwa ng tubig na nagsu-supply sa milyong katao sa greater Manila.
Imbes na pagandahin ang kanilang serbisyo sa mamamayan ay puro pagkakakitaan umano ang nangyari.
Kaya ngayon pursigido ang pangulo na ang Manila Water at Maynilad ay makatikim ng kulungan.
Ang alam ng Puna ang kasong economic sabotage ay walang inilaang piyansa kaya baka magkatotoo ang sinabi ni Pangulong Duterte na may makulong.
Kaya nagalit si Pangulong Duterte sa Manila Water dahil hindi raw nagbabayad ng corporate income taxes at gusto pa nila ipasa sa konsyumer ang kanilang bayarin sa buwis.
Tama ang sinabi ni Pangulong Duterte noong nangangampanya pa lang siya na may tatlong balls ito.
Napansin kasi ng pangulo na lugi ang gobyerno sa concession agreements na pinasok noong nakaraang mga administrasyon.
Halos lahat ng gusto ng mga kompanyang ito na ang kanilang gastusin ay ipasa sa kanilang konsyumer.
Buti na lang hindi pumapayag ang pangulo ngayon sa gusto ng mga negosyante.
Ang Maynilad Water Services Inc. ay nanalo sa kaso laban sa Philippine government noong October 2018 sa High Court ng Singapore na may halagang P3.44-billion dahil daw sa water rate adjustment na hindi naipatupad.
Pinagbabayad din ang Philippine government ng halagang P7.39 billion sa Manila Water matapos matalo sa hindi ring inaprubahang pagtataas ng singil din ng tubig.
Anyare sa mga kaso na ‘yan? Tubong tubig na nga talaga ngayon!
Kung ang Puna po ang tatanungin, mas makabubuti na ibalik na lang sa gobyerno ang pangangasiwa ng operasyon ng tubig na hawak ngayon ng Maynilad at Manila Water.
Abangan na lang po natin ang kapalaran ng Maynilad at Manila Water.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com /operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)
139