Gawing totohanan ang paglilinis sa Customs at live and let live!

PUNTO DE BISTA  ni BAMBI PURISIMA

MAY ilang nagtanong: Bakit daw sa kabila ng mga reporma at kampanya kontra katiwalian at korupsiyon sa Bureau of Customs (BoC) ay hindi pa rin mabuwag-buwag ang mga sindikato ng ismagler at mga palusutan dito?

Bakit nga ba, at ang kasunod na tanong: Dapat na nga bang palitan ang kasalukuyang mga opisyales dito at maglagay ng mga santo sa Customs para ang ismagling, katiwalian at iba pang dumi rito ay tuluyang malinis?

Dismayado na kasi ang karamihan ng ating mga tagasubaybay, kailan raw ba ganap na malilinis ang Customs na sa nakalipas na mga administrasyon ay nagpatupad ng kani-kanilang kampanya laban sa katiwalian at kabulukan sa naturang ahensya.

Noong nakaraang administrasyon, may malalaking isda rin sa loob at labas ng BoC na ang inusig at sinampahan ng mga kasong nililitis pa ang marami sa Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga korte ng bansa.

Pero matapos na matuwa ang marami sa ilang mga nadesisyonan na pabor sa gobyerno, makaraan ang ilang buwan, ang galak o katuwaan ay napapalitan ng matinding pagluluksa, kumbaga, anyare?

Dahil nga kasi nagawa ng ilan na makalusot sa lambat at sapot ng hustisya.

Nagpapagunita ito dear readers, ng matandang kasabihan: Gamo-gamo, langaw at kulisap lamang ang mahuhuli ng sapot ng gagamba.

Tiyak na wasak ang sapot kung ang tangkang huhulihin ay isang agila.

Gayundin, walang matibay na lambat kung ang huhulihin ay dambuhalang mga pating sa katihan.

Masakit aminin, pero ito ang patuloy at tunay na nasasaksihan ng bayan.

Pipit at maya lamang, mga dilis at galunggong lang ang nabibihag ng sapot at lambat na panlaban sa mga kurap sa Aduana.

Kailangan na nga ba ng mga santo sa Aduana, pero ang kasunod na mga tanong, may mga santo bang papayag na mamahala sa Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan na nanggigitata sa dungis at kasamaan?

Noong lumipas na mga panahon, pawang mga makikisig at disiplinadong mistah ng Philippine Military Academy ang ipinuwesto o naipuwesto sa BoC.

Sa simula ay kasama sila sa paglutas sa problema, pero nang magtagal, sila na ang naging pinakamalaking problema sa Aduana.

May pag-asa pa ba na mapatino ang Customs?

Tanging taga-Malakanyang, Department of Finance at, taga-BoC ang makasasagot sa mga tanong na ito.

***

Sa mundong ito, may mga malinis pa ba?

Meron bang isa riyan na maaaring umangkin at ipagmalaki sa mundo: Wala akong dungis.

Wala akong dumi sa mukha.

Maaalala natin ang sinasabi ng ating matatanda: Humarap na muna tayo sa salamin at tingnan baka tayo ay may dungis sa mukha o may muta sa mga mata, bago natin sabihan o kutyain ang ating kapwa na siya ay may dungis at puno ng muta.

Nasasabi ito ng inyong abang lingkod sapagkat marami sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na kung ipagmalaki ang sarili ay para bang sila ay maputing-maputi sa kalinisan at walang kahit konting mantsa sa propesyon at maging sa mismong pagkatao nila.

Tinatawag nila ang iba na maitim, marumi, masama at hindi dapat na pakisamahan.

Kung makapag-alipusta sa kapwa nila mamamahayag, parang sila ay santo at larawan ng kabanalan.

Gayon nga ba sila?

Ang ilang mapang-alipusta ay ano ang pagkatao nila?

Sila ay kaibigan ng ilang mga ilegalista.

Ngayon, namamayagpag sila at nagmamalaki na “kaya nila kayong lahat!”

Bakit natin ito kailangang isulat: Sobra na kasi ang kanilang panghahamak na, kulang na lang duraan sa mukha ang kapwa nila.

Hindi po natin sila pinakikialaman kung paano nila nais patakbuhin ang kanilang mga buhay.

Hindi rin naman sila kinikibo o sinisiraan.

Panghuli: Hindi magiging hadlang ang kapwa n’yo sa inyong gawain o paraan ng paghahanapbuhay.

Kayo ay malaya na gawin ang inyong nais.

Live and let live!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

43

Related posts

Leave a Comment