HIGIT SA LAHAT “VALUES”

WALANG ibang dapat na mabago sa mga nasa law enforcement natin kundi ang kanilang mga asal o “values”.

Kahit anong panukalang batas pa ang ipasa ng Kongreso para pigilan ang korapsyon at katiwalian, hindi pa rin ito garantiya na tuluyan itong mawawalis sa ating lipunan.

Kung tutuusin ay sobra-sobra na nga ang mga batas natin sa Pilipinas pero ganunpaman ay balewala pa rin ito lalo na sa mga tiwali na nasa pamahalaan.

Sobrang dami na talaga ng ­korap at sobrang lala na ng ­korapsyon sa sistemang ating ginagalawan.

Kapag ikaw ay may pera sa Pilipinas, tingin mo sa sarili mo ay hari ka kasi kaya mong bayaran lahat.

Maging ang mga korte na dapat ay magpapataw sa iyo ng parusa ay balewala.

Uso rin ang koneksyon sa bansa ni Juan Dela Cruz.

Kapag ikaw ay maraming koneksyon at may pera, wala kang katinag-katinag sa iyong kinalalagyan.

Mula sa law enforcement hanggang sa uusig sa ginagawa mong kalokohan ay tiklop sa iyo.

Ganun ang nagagawa ng pera sa Bayan ni Juan.

Kaya naman gobyerno sa ­gobyerno at awtoridad sa awtoridad ay nagpapatayan.

Ganyan ang nangyari sa barilan sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan.

Sa pinakahuling info na nakuha ng PUNA, nasa dalawang pulis at dalawa na rin mula sa PDEA ang nalagas sa barilan ng magkabilang panig.

Buo ang paniniwala natin na ang dahilan ng pag-aaway ng dalawang grupo ng mga law enforcement ay pera.

Sinasabi ng QCPD na ang ginawa daw ng PDEA ay “sell buy.” Binentahan daw ng tauhan ng PDEA ang kanilang mga pulis ng ilegal na droga.

Sinagot naman ito ni PDEA Chief Wilkins Villanueva na dapat ay magpakita ang QCPD ng video na magpapatunay na nag-sell buy nga ang mga tauhan nila na mariing ipinagbabawal ng batas.

Ayon pa sa impormasyon, nawawala raw ang isang kilong shabu na ginamit sa nabanggit na operasyon.

Nabuo tuloy sa isipan natin na posibleng nangyayari ang recylcle ng ilegal na droga.

Ibig sabihin, ang mga ­nahuhuling at narerekober na droga mula sa ibat-ibang mga operasyon ay posibleng muling naibebenta.

Ang ganitong klaseng mga pangyayari sa mga awtoridad ay mawawala sana kung maitatanim sa mga utak nila ang tinatawag na “values”.

Panahon na upang laging maipapaalala sa mga nasa awtoridad ang paging makabansa, ­makabayan upang maalis sa kanilang isipan ang laging pagkakaperahan.

Pinakamahalaga sa tao ay ang kaniyang dignidad lalo na kung tayo ay tagapagpatupad ng batas.

Paano tayo irerespeto kung mismo sa sarili natin ay wala tayong disiplina?

Sa nangyaring barilan ng magkabilang panig sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kamakailan ay hindi naniniwala ang marami na hindi nila kilala ang isat-isa.

Malakas din ang paniniwala ng taumbayan na isa sa PNP at PDEA ang nagagamit ng sindikato ng ilegal na droga.

Hindi kasi lingid sa kaalaman ng marami na ang ilegal na droga ay napakadaling pagkaperahan, pero hindi nila iniisip ang kanilang piperwisyuhin na maraming tao.

Hindi rin nila inisip na balang araw ay baka isa sa kanilang anak, pamangkin, asawa, kapatid o sila mismo ay nalululong na sa paggamit ng bawal na droga.

Sa isang kilong shabu na maipapakalat sa pamayanan, ­maraming buhay ang sisirain nito.

Kaya suhestiyon ng PUNA sa pamunuan ng magkabilang kampo ay bigyan halaga ang “values” sa kani-kanilang mga hanay.

Kung lagi itong maipapaalala sa kanila, maaaring magdalawang isip silang pumasok sa hindi makabubuti sa kanilang pamilya.

Ang mga nasa law enforcement ay may kanya-kanyang pamilya rin yan na dapat nilang buhayin at mahalin.

Tulad na lang sa apat na namatay sa barilan sa pagitan ng mga tauhan ng QCPD at PDEA may naulila silang mga pamilya.

Ang hindi pa magandang pakinggan na ang kumitil sa kani-kanilang mga buhay ay kapwa nila nasa law enforcement.

Ang mga pangyayaring ganito ay paulit-ulit na lang na hindi natutuldukan.

‘Wag na sanang ipagtanggol ng kanilang mga opisyal ang kanilang mga tauhan na nasasangkot sa mga kalokohan nang hindi na pamarisan.

Kakahiya ‘di ba? At ang isyu pa ay ilegal na droga.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

117

Related posts

Leave a Comment