May mga politiko na kahit mga buhay pa naman ay naroong laging nagpapakilala at gustung-gusto na nakikita ng publiko ang kanilang mga pangalan sa kung saan-saan, maging sa mga paaralan. Talaga namang hindi na pinatawad.
Ito ngayon ang nasisita ni Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang nasasakupan. Nagbaba ito ng kautusan na tanggalin ang mga pangalan ng mga politiko mula sa mga pribado at pampublikong paaralan. Andon ang pahayag ng alkalde na huwag politikahin ang mga paaralan.
Matatanggal na ang mga ganyang paepal na aktibidad. Mabuti naman kung ganoon.
Hindi na kasi nahiya ang mga politikong ganito – na kahit saang lugar – na para bang utang na loob pa ng mga tao na sila ang nasa posisyon kaya ganoon na lamang magpakilala. At para bang kanila ang isang partikular na ganoon na lamang sila kaepal.
Nagpapakilala kasi sila na may proyekto silang nagawa, donasyong naibigay at kahit ang mga pagbati o greetings sa kahit anong okasyon ay gagawin din huwag lang silang malimutan ng mga tao.
Kung tutuusin ay kahit saang lugar talaga ay mayroon nito, kahit pa sa basketball courts, gymnasiums at iba pa. Kahit pa sa mga lalawigan ay mayroon din ang mga iyan. Tradisyon na kasi ‘yan ng politika sa atin na hinahayaan lang naman kaya hindi nawawala.
Sana rin naman ay gumaya ang ibang nasa posisyon na huwag nang maging epal pa. Mahiya naman kayo. May ibang mga paraan para makilala kayo ng publiko. Huwag ganyang lantad na lantad. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
122