HINDI NAUUBOS ANG DROGA

DPA

ANG lalakas ng loob ng ilang kababayan natin na pumasok sa ilegal na droga kahit alam nilang seryoso ang gobyerno sa war on drugs, patunay dito ang halos araw-araw na accomplishment ng mga awtoridad.

Palaki na rin nang palaki ang mga nahuhuling droga sa mga suspek na isang patunay na marami pa ring nakakalat na ilegal na droga sa bansa hindi tulad noong simulan ang giyerang ito, pa-sachet sachet lang.

Hindi ko alam kung talagang wala lang mahanap na trabaho ang mga taong ito o gustong maging bigtime agad, kaya imbes na magbanat ng buto ay pumapasok sa sindikato ng droga.

Nitong mga nakaraang mga araw, linggo at buwan, kapansin-pansin na milyun-milyong halaga ang nahu­huling ilegal na droga sa mga drug suspect na isang indikasyon na bultuhan na ang bentahan.

Siguro kailangang magdalawang isip na ang mga taong nasa linya ng ilegal na droga at itigil na ang kanilang ilegal na hanap­buhay dahil mahuhuli at mahuhuli rin naman sila.

Oo nga’t yayaman agad sila dahil sa ilegal na gawain nilang ito pero may hangganan ang lahat at ang masama pa, marami silang buhay na sinisira sa kanilang hangaring yumaman agad.

Aminin na natin, malaki ang naitulong ng giyera kontra ilegal na droga sa peace and order sa bansa natin ngayon dahil ‘yung mga small-time user ay nawala sa mga kalsada.

Heto ang dahilan kaya kahit anong paninira ang gawin kay Pangulong ­Rodrigo Duterte ay maba­ngo pa rin siya sa mayorya ng mga Filipino dahil maraming kalsada ang tumahimik dahil sa kanyang kampanya.

Nawala kasi ‘yung mga durugista na pakalat-kalat noon sa kalsada at naghahanap ng mga mabibiktima para may maipantustos sa kanilang bisyo.

Pero dapat tutukan talaga nang husto ang mga da­yuhang drug lord na siyang nagdadala at nagpapakalat ng ilegal na droga dito sa ating bansa. Kailangang masugpo sila.

Heto ang mga talagang sumisira sa ating mga kababayan at sa ating bansa. Sila rin ang nagpapahamak sa ilang kababayan natin na ginagamit nila sa pagpapakalat ng ilegal na droga. Nagdudusa ang kanilang ginagamit habang sila ay naliligo sa drug money. (DPA / BERNARD TAGUINOD)

214

Related posts

Leave a Comment