TOTOONG mabilis sumikat si Ronald dela Rosa, alyas Bato, matapos niyang pangunahan ang Philippine National Police (PNP) sa implementasyon ng madugong kampanya laban sa mga personalidad sa mundo ng ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Bilang hepe ng PNP, tila hindi binigo ni Bato si Pangulong Rodrigo Duterte dahil maraming namatay at nadakip na mga drugpusher at adik nang ikasa niya ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ilang buwan matapos siyang magretiro, nanatili ang kasikatan ni Bato.
Katunayan, madalas pumasok ang kanyang pangalan sa ‘Magic 12’ sa survey ng mga politiko at personalidad na posibleng tumakbong senador sa eleksyong 2019.
Nang magsimula ang kampanya para sa pagkasenador nitong Pebrero, kasama pa rin ang pangalan ni Dela Rosa sa Magic 12.
Ngunit, hindi dapat matuwa si Dela Rosa, sapagkat hindi matibay na batayan na kapag pasok sa Magic 12 ay siguradong panalo ka na sa eleksyon.
Huwag niyang kalimutan ang binabanggit ng mga nakalipas na survey na mayroong mga politikong regular ang naglabas ng kanilang mga pangalan sa survey, ngunit talo sa eleksyon.
Pero, kung sakaling mananalo si Dela Rosa, ikalawa siyang pulis na naging senador – ikalawang pinuno ng PNP na naging senador.
Ang una ay si Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Si Lacson ay naging hepe ng PNP noong si Joseph “Erap” Estrada ang pangulo ng bansa.
Biglang naputol ang termino ni Lacson nang patalsikin si Estrada mula sa kapangyarihan noong Enero 2001 dulot ng napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Napakatalamak din ng operasyon ng ilegal na droga at iba’t ibang klaseng sugal, lalo na sa jueteng.
Kahit sa Cavite na siyang pinanggalingang lalawigan ni Lacson ay hindi maipagkakailang talamak ang ilegal na droga at jueteng.
Batay sa mga nababasa ko, si Dela Rosa ay kailangan daw sa Senado, sapagkat isa siya sa mga makakatulong sa pagsusulong ng legislative agenda ng pangulo.
Ang palpak, ibinibida si Dela Rosa ng mga henyong ‘nag-aalaga’ sa kanya na kaya raw kailangan si Bato sa Senado, sapagkat kailangang masugpo ang napakatalamak na ilegal na droga.
Hindi ko maintindihan bakit gustong maging senador ni Bato kung ang sentro ng kanyang gagawin sa Senado ay kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang dapat sana ay inilagay ni Duterte si Bato sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa tingin ko, higit siyang kailangan sa PDEA upang maipagpatuloy niya ang pagsusulong ng madugong kampanya laban sa ile gal na droga.
Lalo na ngayong nagbanta si Duterte na patitindihin ang kampanya makaraang walang tigil ang pagpapadala at pagpapalutang ng mga bloke-blokeng cocaine sa karagatan ng lalawigan ng Quezon at mga karatig lalawigan.
Sigurado akong higit na kailangan si Bato dela Rosa sa PDEA upang muling maglagablab ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga, kaysa manatili si Aaron Aquino sa PDEA.
Kahit na maging senador si Dela Rosa, hindi mapatitigil ng Senado ang walang humpay na pagdagsa ng mga ilegal na droga sa Pilipinas.
Sa PDEA, patuloy na sisikat si Bato kung pagsikat lang sa media ang gusto niyang mangyari sa buhay. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)
134