SHOWCASE NG POLITICAL WILL

FOR THE FLAG

Kamakailan ay nag-post ako ng mga larawan ng kalikasan sa social media. Ilang mga kaanak na nasa abroad at ilang kaibigan ay nagtanong kung saan makikita ang lugar na aking ipinost. Laking gulat nila nang aking sabihing sa Manila Bay. Wala namang special sa ca­mera na aking ginamit dahil isang cellphone lamang naman ang aking ipinangkuha ng mga larawan. Wala rin akong ginamit na filter o special effects man lamang.

Hindi na nila makilala ang Manila Bay ngayon dahil sa ipinagbago nito matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglilinis rito.

Ang ginawa ng admi­nistrasyon sa Manila Bay ay kasunod ng nauna nang kampanya nito sa isla naman ng Boracay. Malinaw na inabuso ng walang patumangga ang pagdumi sa Isla ng Boracay nang kung ilang dekada sa ngalan ng komersyalismo at pagkakakitaan ng mga nego­syante, lokal na opisyal at mga residente ng isla.

Sa bandang huli ang kawawa ay ang kalikasan at ang mga indigenous people ng Boracay na naitaboy sa kung saan-saan mula sa kanilang munting paraiso sa ngalan ng kitaan.

Ang ilan sa kanila ay mga nakikipagsapalaran sa Maynila, ang ilang naiwan na nangangalaga ng kanilang lupain sa isla ay pinagbobola ng mga negosyante at mga lokal na opisyal.

Sa ilalim ng liderato ni PRRD ay ipinasara ang na­sabing isla upang maisaa­yos para na rin sa pagliligtas ng kalikasan at mapangalagaan ito mula sa patuloy na pang-aabuso.

Hinigpitan ng DENR at DILG ang mga requirements para sa mga establisimiyento upang maiwasan ang pagkakaulit ng pagkababoy nito.

Kinakailangan nga lamang ng mas maayos na koordinasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang Department of Tourism upang mas mai-strategize ng mas maigi ang muling pagbubukas ng Boracay.

Walang ibang pa­ngulong nakagawa nito sa Boracay kundi si PRRD lamang, samantalang 1990s pa e nangangagkasakit na ang mga tao sa Boracay at nang eksaminin at imbestigahan ay napagtanto na ang sakit ay nanggagaling sa tubig ng Boracay na kontaminado na ng dumi ng tao, hayop at basura mula sa mga kabahayan at mga establisimiyento roon.

Taong 1990s pa ngunit ngayon lamang nailigtas ang Boracay sa tiyak na pagkakaligwak ng political will ng isang lider.

Nagpayaman na ang mga barangay officials dito, ang mga alkalde at mga inspection officers ng munisipyo sa Boracay kaya tuloy-tuloy sana ang korapsyon at hapi-hapi ng mga opisyal mabuti at naagapan ni PRRD at katulong nga si DENR Sec. Roy Cimatu ay nabigyan ng ibayong aksyon.

Gayun din sa Manila Bay, ilang dekada na ding inabuso ang nasabing landmark ng mga mamamayan at mga negosyante at ngayon lamang nabigyan ng seryosong pagsagip. Kailangan talaga puso at political will. Nakikita natin ‘yan ngayon. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

 

122

Related posts

Leave a Comment