HINDI UMAASA SA TULONG NG GOBYERNO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NATUTO na ang mga tao na maging hindi palaasa sa gobyerno kapag nabiktima sila ng kalamidad, God-made o man-made man, dahil tumatayo sila sa sariling paa dahil kung aasa sila sa kanilang mga iniluklok na lider, walang mangyayari sa kanila.

Sa unang araw pagkatapos ng unos, ang ibibigay lang ng gobyerno ay pagkain at tubig na magtatagal lang ng dalawa hanggang tatlong araw lalo na roon sa mga wala sa evacuation centers.

Pagkatapos niyan bahala na ang mga tao kung saan sila kukuha ng pagkain at inumin pero ipagmamalaki ng gobyerno sa atin na natulungan na nila ang mga biktima ng kalamidad gamit ang buwis natin.

Mabuti na lang may non-governmental organizations (NGOs) na tumutulong sa agarang pangangailangan ng mga tao dahil hindi agad dumarating ang tulong ng pamahalaan dahil ang dami pa munang pinagdaraanang proseso bago sila makatulong.

Mas mabilis pa nga ang NGOs na tumulong kaysa gobyerno. Nasa ground zero na ang NGOs at nagpapakain na ng mga nagugutom pero ang tulong ng gobyerno parating pa lamang dahil sa burukrasya.

‘Yung mga nasiraan ng bahay, hindi naman tinutulungan talaga ng gobyerno dahil magbibigay lang ang local government ng tig-dalawa o tatlong yero pero lumipad ang buong bubong niyo. Nakatutulong ba iyan?

Kung meron mang pinansyal na tulong ay karaniwan na umaabot ng P10,000 depende kung gaano kalala ang pagkasira ng bahay mo, hindi agad ibinibigay ang pinansyal na tulong na ‘yan dahil gagawa pa ng census kaya karaniwang inaabot ng mahigit kalahating buwan bago matanggap ng biktima.

At sa kamahalan ng mga materyales ngayon sa paggawa ng bahay, ay hindi sapat ang tulong pinansyal na ‘yan para maitayo mo muli ang bahay mo na sinira ng bagyo pero ipagmamalaki sa atin ng gobyerno na natulungan nila ang lahat ng mga biktima.

Dahil kakarampot at laging huling dumarating ang tulong ng gobyerno, nasanay na ang mga tao na huwag nang umasa sa kanila. Ganyan katatag ang mga Pilipino na parang sinasamantala naman ng gobyerno.

‘Yung mga tulong kasi ng gobyerno ay hindi sapat para makabangon ang mga biktima ng kalamidad, kaya tatayo sa sariling paa ang mga tao dahil giginawin at kakalam ang kanilang sikmura kung hindi nila ‘yan gagawin.

Ang masaklap lang, ang mga tao ang laging nagdurusa kapag may nangyaring kalamidad habang ‘yung mga yumaman sa pagmimina, pagka-quarrying, reclamation projects, pagtotroso at iba pang paninira sa kapaligiran, ay hindi man lang nalubog ang bahay at nandoon sila sa magagarang mansyon nila.

Kahit pa sabihin na God-given ang bagyo tulad ni Kristine na nagpalubog sa Bicol Region, pinalala ito ng mga gahamang negosyante at mga politiko na nagnenegosyo pa rin mula sa pondo ng gobyerno.

43

Related posts

Leave a Comment