HUWAG NA

SA TOTOO LANG

Ang pahabain pa ang termino ng mga kongresista bilang pagnanais ng isa ring kongresista ay hindi naman na kailangan at isang malaking “huwag na”.

Naroon kasi ang pagnanais na mula sa dating 3 taon ay ninanais itong gawing apat na taon with no term limits, o limang taon na may term limits.

Sa ilalim kasi ng 1987 Konstitusyon, ang mga mi­yembro ng House of Representatives ay pinapayagan na maglingkod sa isang termino na tatlong taon at hindi hihigit sa tatlong magkakasunod na termino.

Ang tanong kasi ng publiko diyan ay bakit pa gayong tatlong taon naman ay sapat na panahon na para magawa ang kanilang trabaho.

Kung tutuusin nga ay marami sa mambabatas na ito ay hindi naman talaga nagtatrabaho ng maayos lalo na kung ang tatanungin ay ang kanilang mamamayan na kanilang nasasakupan.

Saka isa pa sa nasisilip sa pagpapahaba ng termino ay maaabuso lamang ang posisyon at kapangyarihan, sino ba naman ang magiging kawawa kundi ang taumbayan pa rin.

Kumikinang tayo sa rekord ng korapsyon at pagi­ging tamad ng marami at dumaraming mambabatas at iba pang nakaupo sa pamahalaan kaya bakit pa pahahabain ang kanilang termino. Para kanino ang benepisyo?

Buti sana kung lahat ay matino. Kaya ba nating bigkasin kung sino talaga ang matino sa mga mambabatas sa Kongreso? Sapat ba ang nagagawa nilang batas, makabuluhan ba ito? At sino ba talaga ang nakikinabang?

Malaki ang porsyento na wala sa ayos ang nangyayari sa ating bansa, magulo ang politika. Parang mahirap ipagkatiwala at mabigyan ng dagdag panahon para sa termino ng mga ito.

Nakakapundi na rin. Nakakadala. Ang hirap asahan na may maaasahan tayo sa dagdag termino na iyan.

Kung papayagan ito aba’y “happy-happy” na naman ang mga hindi matitinong kongresista. Ang publiko ay maiiwan na naman sa kawalan.

Maawa naman kayo sa taumbayan. Hindi praktikal iyan para sa amin. Maging sapat na sana kayo sa inilaang panahon lamang ayon sa Saligang Batas. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

233

Related posts

Leave a Comment