HUWAG PAGKAKITAAN PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA BADILLA NGAYON

Badilla Ngayon

ISA sa mga panukalang batas na pinagkakaabalahan ng mga mambabatas ngayon ay kung paano makababawi ang Pilipinas sa negatibong epekto ng iba’t ibang klase ng community quarantine (CQ) o ‘lockdown’ ng iba’t iba’t rehiyon at lalawigan dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID–19) sa ekonomiya ng bansa.

Ang pinakamasahol na de sisyon at aksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagsasailalim sa Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 17 hanggang Mayo 15, ngunit obligado itong gawin ng pangulo para sa kaligtasan at proteksyon ng mamamayang Filipino.

Napakatindi ng negatibong epekto ng ECQ sa Luzon, sapagkat ang huli ay umaabot sa 75 porsiyento ang inaambag sa gross domestic product (GDP) ng bansa taun-taon.

Walang dudang lahat ng kamay ng ekonomiya ay ‘hinambalos’ ng ECQ at CQ.

Isa sa mga tinamaan ay ang agrikultura, kaya labis-labis na kawawa ang mga magsasaka, manggagawang-bukid, mangi ngisda at iba pang sektor na nakaugnay at nakatali sa agrikultura ang ikinabubuhay.

Nitong Mayo 29, tinalakay sa pinagsamang pagdinig ng Senate committee on finance at Senate committee on economics ang masasabi kong isa sa napakaganda at wastong ideya, ang walang interes sa pagpapautang sa mga magsasaka, manggagawang-bukid at mangingisda.

Sinusuportahan ang ideyang ito ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., kasapi ng dalawang komite, bilang pagpapakita ng kanyang solidong suporta sa nasabing sector upang makabawi sa susunod na mga buwan at taon.

Sabi ni Revilla sa kanyang kalatas na inilabas nitong Mayo 29, sinusuportahan niya ang “zero-interest program amounting to P25,000 for each of the three million margina lized farmers, fisherfolks and agricultural workers in the country.”

“Napakahalaga po ng agrikultura at food security kaya bi nibigyan natin ng tugon ito. Hindi namin kayo pababayaan. Nandito kami para tugunan ang inyong pangangailangan,” paliwanag ni Revilla.

Pabor na pabor ako sa nasabing ideya, sapagkat notoryus at paninikil na ideya ang patungan ng interes o tubo ang ipauutang ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), sa mga magsasaka, manggagawang – bukid at mangingisda.

Ang paniniwala ko, noon pa man, ay hindi dapat pinagkakakitaan ng pamahalaan, kabilang na ng mga bangkong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan tulad ng LBP at DBP, ang mga batayang sektor ng bansa.

Nagbabayad naman ang mga ‘yan ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa kakarampot na kita ng kanilang mga produkto.

Tapos, ang LBP at DBP ay kumikita naman ng interes sa kanilang pautang sa mga negosyante.

Kumbinsido akong napapanahon nang wakasan ang paglalagay ng interes sa mga ipinauutang ng pamahalaan sa mga magsasaka, manggagawang – bukid at mangingisda.

Katulad nitong umiral ang ECQ sa Luzon, inalok ng Department of Agriculture (DA) ng pautang ang mga magsasaka, manggagawang – bukid at mangingisda na mayroong “mababang” tubo.

Pokaragat na ‘yan!

Ang Rice Tariffication Law (RTL) o Republic Act No. 11203 na hangaring iligtas ang produksiyon ng bigas ng Pilipinas, ang mataas na presyo ng bigas at ang buhay ng mga magsasaka at manggagawang – bukid ay mayroong patong na interes sa ipauutang ng LBP at DBP sa kanila.

Tapos, madalas itong ibinibida ito ni Senadora Cynthia Villar, sapagkat kumbinsido ang senadora na ang RTL ang ‘solusyon’ sa mga problema ng mga magsasaka at manggagawang-bukid.

Nagagalit nga si Villar kapag hindi sinusunod ng anumang ahensiya ng pamahalaan at ng sinumang opisyal ng gobyerno ang bawat probisyon at salita, kasama na ang mga paliwanag sa pautang at interes nito sa mga magsasaka at manggagawang-bukid, na napakalinaw pa sa sikat ng araw ang pagkakasulat at pagpapaliwanag sa ipinag-uutos ng RTL at ng implementing rules and regulations (IRR) nito.

Upang matapos na ang patong na interes sa ipinapautang ng LBP at DBP sa mga magsasaka at manggagawang-bukid, ako ay nananalangin sa Panginoong Diyos ngayong araw na bigyan Mo ng liwanag, husay at talas ang mga isipan ng mga senador na paboran at ipasa ang panukalang walang interes sa mga ipauutang ng dalawang bangkong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan sa mga magsasaka, manggagawang-bukid at maging sa mangingisda.

146

Related posts

Leave a Comment