IBA PANG MUKHA NG PAG-IBIG

Psychtalk

(UNANG BAHAGI)

HINDI pa rin ako gaano nakaka-move-on sa selebras-yon ng Araw ng mga Puso.

Kung mayroon isang mensaheng pumukaw sa aking interes sa social media noong araw na iyon, ay ‘yung galing sa isang kaibigan na ilang dekada nang may malalim na pakikisangkot sa kilusang pagbabago. Simple lang ang post niya: “Be madly in love for motherland.”

Magandang paalala lalo na para sa karamihan sa atin na minsan napakalimitado lamang ang pakahulugan sa salitang pag-ibig at limitado rin ang nakikitang sakop nito. Gaya ng nabanggit ko na sa mga naunang sulatin dito, isang mukha lang ng pag-ibig ang romantikong porma nito. Bagama’t ito marahil ang pinakapalasak.

Dahil napaka-abstrakto ng salitang pag-ibig, mas maiintindihan natin ito marahil kung titingnan natin siya ayon sa iba’t iba nating pakahulugan o ekspresyon, batay ito sa mga nasulat na ng mga mananaliksik at pantas.

Halimbawa, may konsepto ng filial love na siyang namamagitan sa mga magpapamilya, lalo na sa pagitan ng anak at magulang, o kaya ng agape love na itinuturing na pinakabusilak na pag-ibig na namamagitan sa Diyos at tao. Mayroon pang sinasabing platonic love na hindi nababahiran ng anumang sekswal na pagnanasa kundi maihahalintulad sa malalim na pagkakaibigan.

Ngunit mayroon ngang isang mapanghamong porma ng pag-ibig na ipinapaalala sa atin—ang pag-ibig sa i-nang bayan—na pwede natin tawaging patriotic love.

Marahil magtatalu-talo tayo kung paano nga ba dapat na ipakita ng bawat isa ang kani-kaniyang pagmamahal sa inang bayan, dahil malamang ito ay nakadepende sa kung anu-ano ang ating pinaniniwalaang paraan.

Ngunit anupaman ang pagkakaiba-iba natin kaugnay nito, magandang makakita ng common ground para masabi natin na ang ating paraan ng pagmamahal sa i-nang-bayan ay totoong para sa kabutihan ng nakararami – sa mga bumubuo ng ating tinatawag na inang bayan.

Mainam na mahanapan nang konkretong manipestasyon paano nga ba maging “madly in love” para sa ating bayang mahal. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

 

 

 

131

Related posts

Leave a Comment