DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAPAKARAMING cong-tratista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya ang tanong ng taumbayan ay mapapanagot ba sila lalo na’t halos lahat sa kanila ay sikat as in nagbubutas lang ng silya sa Kamara at isa sa mga binabantayan dahil baka malason sila sa kanilang laway dahil hindi sila nagsasalita.
Lalong nakatatakot na tuluyang malason sa kanilang laway ang mga cong-tratistang ito dahil noong hindi pa napapansin ng taumbayan ang kanilang raket ay hindi sila nagsasalita, asahan n’yo na hindi na nila ibububuka pa ang kanilang bibig.
Sabagay, marami sa mga congressman na pinangalanan na cong-tratista ay hindi kilala ng House media at noong lumabas ang kanilang pangalan ay may mga reporter ang nagsabi na “congressman pala ‘yan!”.
Ibig lang sabihin, hindi sila kilala sa mismong bahay nila dahil hindi mo sila maririnig na nakikipagdebate sa plenaryo ng Kamara at lalong hindi sila sumasali sa committee reading at kung present man sila ay pang-quorum lang ang kanilang papel dahil hindi sila nagtatanong.
At ngayong natukoy na ang kanilang raket ay huwag na nating asahan na magsasalita ang mga iyan dahil naniniwala sila sa kasabihan na “no talk, no mistake” at kapag nagsalita sila ay baka sumikat sila at makalkal nang tuluyan ang mga kontratang kanilang nakuha mula sa gobyerno.
Kaya ang tanong, mapapanagot ba ang mga cong-tratistang ito dahil sa paglabag sa anti-graft law na nagsasabing hindi puwedeng magkaroon ng kontrata ang mga ito sa gobyerno habang sila ay nakaupo sa Kongreso. Nungka!
Pero dapat silang panagutin dahil ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para mapayaman ang kanilang pamilya at isang panggagago sa publiko na sabihing wala silang kinalaman kung nakakuha man ng kontrata ang kanilang kaanak sa gobyerno.
Marami talagang politiko ang naperpekto na ang panggagago sa mga Pilipino at ang masakit ay pinaniniwalaan pa rin sila ng mga tao at kapag eleksyon ay ibinoboto ulit sila kahit alam ng lahat na nagnenegosyo lang sila kaya sila pumasok sa pulitika.
Eto ha, maraming cong-tratista ay dating ‘baka’ ng mga dating politiko as in inoobliga silang magbigay ng campaign funds kapalit ng kontratang makukuha ng mga ito kapag panahon ng eleksyon.
Tila nagsawa na raw sila sa kabibigay kaya tumakbo na lamang sila at marami sa kanila ang nagtagumpay kaya solo na nila ang kita at kupit sa proyekto na kanilang nakuha dahil sa kanilang impluwensya.
Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit napakaraming kontratista na naging kongresista at dahil diyan ay lalo silang yumaman dahil solo na nila lahat at wala na silang bibigyan ng komisyon at campaign funds.
At huwag ding kayong maniwala na kaya sila tumakbo para magsilbi sa inyo. Kaya sila tumakbo ay para magpayaman at masolo ang lahat ng kita ng bawat kontratang nakuha nila o kaya mismong proyekto nila. Nagsisilbi lang sila sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya!
19
