BERNARDO NG DPWH, ‘KEY CARD’ KING

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI lang pala “kickback” ang uso noon sa DPWH — may “key card” culture pa raw.

At ayon sa mga tsismis sa loob, ang utak daw nito ay si dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo — yes, ‘yung parehong opisyal na ngayon ay nagpapalusot ng “karamdaman” para umiwas sa hearing ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).

Sabi ng insiders, si Bernardo raw ang nagpasimula ng sistemang parang “exclusive club” para sa piling opisyal at kontratista. May mga junket, private parties, at “special access” na para bang membership card sa mundo ng pera, impluwensiya, at aliw. Kaya raw tinawag na key card ay dahil ‘pag may “access” ka, may biyaya ka rin.

May mga nagsasabi pang nagkaroon daw ng “super elite walkers” na ipinakikilala ni Bernardo sa ibang opisyal at politiko kapalit ng pabor sa mga proyekto. Grabe, parang pelikula ni Lino Brocka kung tutuusin, pero mas masagwa lalo na’t sa totoong buhay ito nangyayari.

Ang mas naka-aalarma, marami raw sa mga kasangkot sa mga ganitong kalakaran ay nananatili pa ring konektado sa mga proyekto hanggang ngayon. Ilan sa kanila, ayon sa mga insider, ay tila “untouchable” pa rin dahil sa matataas na padrino. Kaya habang ang mga ordinaryong kontratista ay dumaraan sa butas ng karayom, ang may key card, diretso sa VIP lane.

At ngayon, habang ang ICI ay nagsisikap na tukuyin kung sino ang tunay na may pananagutan sa mga overpriced at delayed na flood control projects, heto’t isa sa mga susi ng imbestigasyon ay nagtatago sa “medical procedure.” Pag guilty, may hospital procedure agad! Kung ganito ang estilo, baka pati ang konsensya, naka-admit na rin sa ICU.

Kung totoo nga ang mga alegasyong ito, ipinakikita nito na higit sa pagiging corrupt, immoral pa ang nananaig na kultura sa ahensya. At kung ganitong klase ng opisyal ang nasa DPWH noon, hindi na nakapagtataka kung bakit baha pa rin kahit bilyun-bilyon ang ginastos sa flood control.

Tapos na ba ang “key card” era sa bagong administrasyon ng DPWH? O baka dahil sa mga palusot ng mga pangunahing players para umiwas sa ICI investigation, ay tuloy pa rin ang “happy ending”?

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

81

Related posts

Leave a Comment