INSIDENTE SA SCARBOROUGH SHOAL

SIDEBAR

Nasagot na ng Philippine Coast Guard ang tanong ng marami kung sino ba dapat ang mag­hain ng reklamo laban sa China sa insidente sa Scarborough Shoal noong Setyembre 30 kung saan sinita ng Chinese Coast Guard ang isang Greek-owned pero Liberian-registered na crude oil tanker at puro Filipino ang mga nagpapatakbo nito.

Binigyang linaw ni PCG Commandant Admiral Joel Garcia na walang awtoridad ang gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan ang nasabing insidente dahil ang MV Green Aura oil tanker ay foreign-owned at hindi barko ng Pilipinas kahit pa sabihing puro Filipino ang kapitan at tripulante nito.

Ito ang paliwanag ni Admiral Garcia: “Officially, hindi pa tayo nag-conduct ng imbestigasyon tungkol dito kasi wala pa tayong natatanggap na official Marine protest from the Liberian government. Hindi pwedeng tanggapin ang Marine protest ni Captain Manolo Ebora because he is not serving the Philippine interest.”

Kaya nga ang mala­king kuwestiyon kay Capt. Ebora ay kung bakit hindi niya sinunod ang protocol sa Maritime Industry na hayaang maghain ng reklamo sa China ang gobyerno ng Liberia kung saan nakarehistro ang MV Green Aura na pag-aari ng Greek national na siyang employer ni Ebora at 20 Filipinong tripulante.

Imbes na hintayin ang pagsasampa ng reklamo ng Liberia laban sa China ay ipinasya nitong lumapit sa media sa Pilipinas para ipakitang hina-harass na naman ng Chinese Coast Guard ang mga Filipinong tripulante sa sariling teritoryo ng Pilipinas sa Scarbo­rough Shoal.

Ang isa pang kuwestyonable sa media interview ni Capt. Ebora ay kung bakit itinaon ang paglalabas ng panayam noong No­byembre 1 kung kailan nasa Bangkok, Thailand si Pangulong Rodrigo Duterte at dumadalo sa China-Asean summit at parang gusto talagang pagsabungin ang Pilipinas at China.

Nagpahayag pa ng pagkabahala ang PCG sa maaaring negatibong epekto ng ginawa ni Captain Ebora sa empleyo ng may 400,000 Filipino seafarers at Marines na nagtatrabaho sa foreign shipping companies.

Mismong ang 25,000-strong na Masters and Mates Association of the Philippines (MMAP) ay hindi rin sang-ayon sa na­ging aktuwasyon ni Captain Ebora dahil puwede siyang mawalan ng trabaho sampu ng kanyang mga tauhan sa MV Green Aura.

Hindi usapin ng soberenya ng Pilipinas ang insidente sa Scarborough Shoal noong Setyembre 30 dahil malinaw na fo­reign vessel ang gamit ng mga Filipinong tripulante at hindi barko na rehistrado sa Pilipinas. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

138

Related posts

Leave a Comment