IPASA NA ANG SB 1826

SALIKSIK

NAKASALANG ngayon sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 1826 o “The Security of Tenure and End of Endo Act of 2018,” bersiyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso upang magwakas na ang kontraktuwa­lisasyon sa bansa.

Ang bersiyon ng mababang kapulungan (House Bill 6908) ay ipinasa noon pang Enero 2018.

Tingnan n’yo, Pebrero 2019 na ngayon, ngunit hindi pa naipapasa ang SB 1826.

Ang bagal kasi ng Senate Labor Committee na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva.

Napakayaman na kasi ni Villanueva, kaya marahil balewala sa kanya na manatiling hindi regular ang milyun-milyong manggagawa.

Ang pagpapatigil ng kontraktuwalisasyon ay isa sa mga suliranin ng uring manggagawa na matagal na nilang ipinaglalaban.

Ang totoo, marami nang nakulong at namatay na mga manggagawa upang magwakas lamang ang kontraktuwa­lisasyon.

Naniniwala silang malaking krimen sa kanila ang kontraktuwalisasyon, sapagkat bukod sa dahilan ito upang mag-alala ang mga manggagawa na mawalan ng trabaho tuwing malapit nang matapos ang kontrata ng trabaho, wala pa sa minimum ang kanilang sahod kada araw.

Kaya, hindi nakapagtatakang nakipagpatayan ang mga mangagawa sa mga kapitalista at ng kanilang mga sindikato upang matapos na ang kontraktuwalisasyon.

Ngunit, naging “mainit” lang ito at napag-usapan sa media nang isalang sa pampublikong opinyon ni Rodrigo Duterte noong nangangampanya sa pagkapangulo noong 2016.

Nangako si Duterte noon na kapag siya na ang pangulo ng Pilipinas ay gagawin niya ang lahat upang matapos ang kontraktuwalisasyon o end of contract (endo).

Ngunit, tulad ng alam nating lahat hindi ito natupad.

Noong Mayo ng nakalipas na taon ay ipinasa ni Duterte ang problema sa Kongreso Sinang-ayunan ito ni Villanueva na nagsabi sa media na bibilisan nila sa Senado ang pagpasa ng SB 1826.

Pero, hindi ito nangyari.

Ngayong nakasalang na ito sa plenaryo sa Senado, tiyakin naman ng mga Senador na ipasa na ito sa pinakamabilis na panahon. (SALIKSIK / NELSON S. BADILLA)

149

Related posts

Leave a Comment