Matapos na aking mailathala ang dalawang parte ng aking artikulo, ay nagsunud-sunod naman ang pagpasok ng mga impormasyon ukol sa nagaganap umano na katiwalian sa ating Philippine Embassy sa Kuwait.
Ngunit bago ko ilathala ang mga bagong kaganapan sa Philippine Embassy sa Kuwait, hayaan ninyong balikan muna natin ang mga nakaraang pangyayari na may kinalaman sa klase ng “serbisyo pangkabuhayan” ng Assistance To National Unit (ATNU).
Noong Oktubre 12, 2018 ay nakatanggap ako ng isang sumbong mula sa isang distressed workers na nasa shelter ng Philippine Overseas Labor Office. Ipinadala niya ang liham na ito sa pamamagitan ng AkoOFW inbox.
Heto ang kumpletong sumbong na aking natanggap:
“Sir, kung natatandaan mo po sa POLO-OWWA, Kuwait ‘yon pong babae na House Parent (HP) Esabelita Corpuz Ayat po ang pangalan ay kilala po sa tawag na “Mommy Ayat”, at si Mommy Angie isa po siyang bedridden, humihingi po sila ng tulong sa iyo. At si Omyra Abdullah biktima po ng maltreatment ng mga amo niya ang case officer po niya ay si Ma’am Rebeca, sa ATNU, Phil. Embassy po ang office niya. Pinapagsampa po ng kaso si Omyra Abdullah laban sa amo. Noong tumatagal ang kaso inutusan si Omyra na iurong ang kaso at magpabayad na lang. Noon pong binayaran na ng amo ng 6 thousand KD pero hindi binigay kay Omyra ang pera, ang sabi kay Omyra ay nagbayad sa abogado (‘di po ba ang gobyerno ng Pilipinas ang nagbayad sa abogado?). Bumili ng food sa restaurant at kay Omyra din hiningi ng pambayad, nagpadala raw ng pera sa family ni Omyra (wala namang resibo) then sabi raw ni ma’m Rebeca ay 1 thousand KD na lang at doon daw sa 1 thousand KD babawasan ‘yong pambili ng air ticket pauwi ng Pilipinas. Kaya umiiyak si Omyra takot siyang magreklamo baka raw hindi siya pauwiin. Sir, can you please help them? Kawawa naman po sila ‘di makagamit ng phone para makahingi ng tulong. Maraming salamat po at God bless po!”
Bagama’t ito ay naganap pa noong Oktubre 2018, ngunit ang nakarating na balita at sumbong sa inyong lingkod na hanggang sa kasalukuyan ay nagaganap pa rin ito sa Philippine Embassy sa Kuwait.
Ang sumbong na ito ay ating ipinarating sa DFA ngunit, mistulang binalewala ng DFA kung kaya muli tayong nanawagan sa Senado na magpatawag ng imbestigasyon upang halukayin ang mga nagaganap na anomalya sa Kuwait. Kung noon kasi ay may issue ng SEX FOR FLIGHT, ay mukhang nagbago na ang sistema at binansagan na nga ng ilang OFW na ito naman ay “CASE FOR SALE” .
Sa susunod na kolum ay atin naman hihimayin ang “serbisyong pangkabuhayan” na may kinalaman sa Special Power of Attorney.
oOo
Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
336