KALIGTASAN NG MGA OBRERO TIYAKIN

FORWARD NOW

MALAKING bahagi ng ­pwersa ng mga manggagawa na naninilbihan sa ­Metro Manila ay mga residente ng lalawigan ng Rizal.

Sa bahagyang pagbubukas ng iba’t-ibang industriya at mga pagawaan sa Metro Manila noong nakaraang Lunes, dahil sa pagluwag ng mga patakarang nakaumang laban sa COVID-19, marami sa mga Rizaleño na namamasukan sa National Capital Region ang lumuwag ang paghinga dahil sa panibagong pagkakataon sa kabuhayan.

Sa kabila nito, nandyan pa rin ang agam-agam ng marami sa kanila dahil sa banta ng virus na ito. Kaya tayo ay nananawagan sa kanilang mga employer na siguruhing ligtas ang kanilang pagbabalik-trabaho.

Nandiyan naman ang mga alituntuning ­binalangkas ng ­Inter-Agency Task Force on ­Emerging Infectious ­Diseases o ­IATF-EID upang tiyakin ang kanilang kapakanan sa kalusugan.

Naglabas din ang Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga patakaran upang sila ay hindi tamaan. Bagama’t hindi obligado ang mga may-ari ng negosyo na isailalim ang mga manggagawa sa Covid testing, makabubuti ito para sa kanilang kompyansa sa pamamasukan.

Nakalatag na rin ang mga panuntunan hinggil sa minimum health standards tulad ng physical distancing, mandatory facial mask at iba pang mga kaparaanan. Kasama rin dito ang probisyon sa ligtas na biyahe mula sa pinagtatrabahuan at kanilang mga tirahan.

Maalala rin natin na kasama sa bahagyang pagluwag ng regulasyon sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang kautusan na hanggang kalahati lamang ng workforce ng bawat kumpanya, pagawaan at establisyimento ang makapagtatrabaho.

Bahagi ito ng pangkalahatang solusyon sa pagbulusok ng pambansang ekonomiya at pagbuhay sa mga naantalang negosyo, komersyo at ­pag-inog ng gawaing pangkalakalan.

Sa lahat ng ito, babantayan natin ang lubusang pagtalima ng mga ­employer sa mga batas na ­nangangalaga sa karapatan ng ating mga manggagawa sa isang ligtas na lugar ng trabaho.
Mahalaga ang ekonomiya, pero higit sa lahat ang buhay.

161

Related posts

Leave a Comment