Inihain ng inyong lingkod sa Kamara ang House Bill 5652 o Intern’s Rights, Welfare and Benefits Bill na naglalayong makabuo ng national framework para sa seguridad at pangangalaga sa mga Interns partikular sa kanilang mga karapatan, kapakanan at tamang benepisyo.
Kasi nga nakita ko na karamihan sa mga interns ay mula sa sektor ng mga kabataan na dapat tinatamasa ang lahat ng mga karapatang iginawad sa kanila ng 1987 Konstitusyon at ng iba pang mga batas.
Batay sa Saligang Batas, dapat itaguyod at protektahan ng estado ang mga kabataan gayundin ang kanilang kagalingan. Inaatasan din nito ang estado na magbigay ng kaaya-ayang kapaligiran para sa full development ng potensyal ng mga kabataan.
Batid natin na ang nakararaming kabataan ay kinakailangang sumailalim sa internship para sa kanilang hands-on at on-the job training bilang pagtalima sa kanilang educational requirement. Ang mga pagsasanay na ito ay nagbibigay ng kasanayan sa totoong buhay para sa mga inaasahang miyembro ng lakas-paggawa, karanasang maghahahanda sa kanila para sa reyalidad ng pagtatrabaho at makatutulong sa pagkamit ng mahahalagang kasanayan.
Ang lahat ay nagbi-benepisyo sa isang internship program sapagkat ito ay naka-disenyo upang maging kapaki-pakinabang para sa magkabilang partidong sangkot gaya ng higher education institutions, mga kumpanya at industriya at mga estudyanteng sumasailalim sa pagsasanay.
Layunin ng panukalang batas na maprotektahan ang mga interns mula sa pananamantala kasabay ng pagtiyak sa kanilang kaligtasan; maipagtanggol sa anumang uri ng pang-aabuso sa pinagtatrabahuang lugar gaya ng mental, sikolohikal at sexual harassments sa pamamagitan ng pagpapalawak ng proteksyon sa kanila na karaniwan lamang ibinibigay sa mga manggagawa at empleyado.
Hangad din nating proteksyonan sila mula sa mapang-abuso at walang kaugnayan na mga takdang gawain dahil ang dapat lamang nilang ginagawa ay kung ano ang nakalagay sa kanilang internship contract at kailangang malinaw na sinusunod ang nakasaad sa internship plan; at bigyang proteksiyon laban sa financial at economic abuse sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kompensasyon na katumbas ng 70% nang sahod na tinatanggap ng isang regular na kawani.
Naniniwala tayo na kailangang alagaan at proteksiyonan ang ating kabataan, siguruhin ang kanilang kapakanan at itaguyod ang kanilang pag-unlad upang magkaroon sila ng isang progresibo at masaganang hinaharap.
Dapat nating ibigay sa mga kabataan ang wasto, kahulilip na pag-aaral at may kaugnayang karanasan upang mapakinabangan ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng ating ekonomiya at pagpapabuti ng ating panlipunang kalagayan o katiwasayan.
164