THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NAGDALA ng pangamba nitong nagdaang mga araw ang smog dahil sa hindi magandang air quality sa Metro Manila. Dahil dito, nagdeklara ang ilang lokal na pamahalaan ng suspension ng klase. Inakalang dala ito ng volcanic smog o vog na mula sa Bulkang Taal na nakakaapekto naman sa ilang bahagi ng Cavite.
Agad namang nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Science and Technology na hindi magkaugnay ang dalawa, at ang sitwasyon sa Kamaynilaan ay maaaring bunsod ng polusyon.
Nagdudulot ang mga ganitong sitwasyon ng pag-aalala partikular sa kalusugan at kaligtasan ng publiko, kaya ang kailangan talagang gawin ay maging mas maingat.
Bahagi nga ang pagsusulong ng public safety sa mga programa ng pamahalaan sa pinakamataas na antas na ito. Nariyan ang mga ahensya ng gobyerno na nagtulungan para solusyunan ang mga panganib o banta sa publiko dahil sa mandato nilang protektahan ang komunidad.
At kahit na wala naman talaga tayong agarang solusyon sa polusyon o sa mga natural na kalamidad, mabuti na ring mapag-usapan ang public safety dahil kung tutuusin, responsibilidad ito hindi lamang ng pamahalaan kundi ng bawat isa sa atin.
Importante rin kasi sa pagsiguro ng kaligtasan ng publiko ang pagiging maingat at mapagmatyag sa hazards o mga bagay na maaaring magdala ng panganib. Kaya pag-usapan naman natin ang iba pang aspetong maaaring mayroon tayong magawa.
Isa sa magandang inisyatiba ang kampanyang iwas-sunog ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan napaka-aktibo ng ahensya sa pagpapakalat ng impormasyong makatutulong para maiwasan ang sunog at maprotektahan ang mga pag-aari at masigurong ligtas ang buhay ng mamamayan. Ang mga tip na ibinibigay ng ahensya ay mga simpleng bagay na madali lamang sundan, pero kapag isinabuhay, maganda ang dulot sa komunidad.
Bukod pa riyan, marami pang mga bagay na maaaring agad tugunan para ‘di na magdulot ng banta sa buhay. Halimbawa, noong kasagsagan ng pandemya, naging kapansin-pansin ang pagdami ng illegal service connections, kagaya ng jumper at pagnanakaw ng mga kable ng telco at kuryente. Bukod sa posibleng pagkaantala ng serbisyo sa mga legal na nagbabayad para rito, maaaring magdulot ito ng hindi maganda sa komunidad.
Bilang distribyutor ng kuryente sa Metro Manila at ilang karatig-probinsya, napansin ng Meralco na dumami rin ang illegal attachments o ‘yung mga naglalagay ng kable ng telco at internet sa mga poste nito noong nakaraang tatlong taon.
Ito na nga ang isa sa mga matinding kinahaharap ng kumpanya ngayon na kasalukuyang sinusuyod ang lahat ng nasasakupan para ayusin lahat ng apektadong poste nito, at pati na rin ang mga sala-salabat na linya at kable. Karamihan kasi sa mga ito ay mga illegal na ikinabit nang hindi muna ipinaalam sa Meralco.
Pakiusap ng Meralco, sundin ang proseso sa pagkakabit ng kable at kumuha ng permit para hindi magdala ng panganib. Kapag unauthorized ang attachments, maaaring maging sanhi sa paglundo ng mga wire kaya nagkakaron ng insidenteng sumasabit sa mga truck ang mga kable at nahahatak ang mga poste. Pwede ring maging sanhi ng pagtumba ng poste dahil sa overloading at magdulot ng pinsala sa pag-aari at sa komunidad.
Nagsasagawa rin ang kumpanya ng information campaign para sa publiko dahil ang kaalaman at edukasyon ay mahalaga sa pag-iwas sa mga aksidente. Bahagi na rin nito ang pag-empower sa mga customer para alam nila ang dapat nilang gawin upang manatiling ligtas sakaling may mangyaring aksidente na sangkot ang mga pasilidad ng kuryente.
Kaya mahalaga talaga na isabuhay ng bawat isa sa atin ang obligasyon sa kaligtasan ng publiko. Sa ganitong paraan, kahit papano, mapapanatag tayo na ligtas ang ating mga mahal sa buhay.
366