KALIWA AT KANAN DAM

MY POINT OF BREW 

MATATANDAAN na isa sa mga naging kontrobersyal na dam nitong nakaraang mga taon, ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Ito ay sumasakop sa lalawigan ng Rizal at Quezon upang mabigyan ng solusyon ang kakulangan ng suplay ng tubig-inumin sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.

Ang Kaliwa Dam project ay dumaan sa matinding batikos ng mga grupo na ang adhikain ay proteksyonan ang kalikasan. Kasama na rin dito ang mga katutubo na naninirahan sa Sierra Madre kung saan itatayo ang nasabing proyekto. Pinaghinalaan din ang posibleng kwestyonableng negosasyon sa mga kontratista ng Kaliwa Dam project. Ito ay napakamahal daw at pinondohan ito ng gobyerno ng China.

Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang Kaliwa Dam project ay nagkakahalaga ng P12.868 billion. Hindi pa natin isinasama ang interest rate nito kapag nagsimula nang bayaran natin ang utang na ito sa China. Subalit ang benepisyo naman nito ay magkakaroon ng karagdagang suplay na 600 million liter kada araw upang makatulong sa ibinibigay na suplay ng tubig mula sa Angat Dam. Tandaan, ang kasalukuyang populasyon ng Metro Manila ay 14.7 million. Hindi pa kasama rito ang mga bayan at lungsod na sinusuplayan ng MWSS sa Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan at Pampanga. Sa madaling salita, lumalaki at dumadami ang mga kumukunsumo ng tubig kada taon.

Nakikita natin ang epekto ng kakulangan ng tubig sa atin. Ang dalawang concessionaires ng MWSS na Maynilad at Manila Water ang nagkukumahog upang mabigyan ang kanilang mga customer ng sapat na serbisyo. Ganoon pa man, hirap pa rin sila na mabigay na sapat at malakas na pressure ng tubig.

Kaya naman, inaasahan na ang Kaliwa Dam ang magiging sagot sa problemang ito. Ang mga gusot sa mga katutubo at kalikasan ay tila nagawan na ng solusyon at ayon sa MWSS, matatapos ang Kaliwa Dam project sa 2027. Harinawa’y walang maging aberya ang haharapin nito. Ayon sa MWSS, halos 22% na raw ang nagagawa sa nasabing proyekto.

Subalit kamakailan, nag-anunsyo muli ang MWSS na nasa usapan na ang pagtatayo ng isa pang malaking dam na nagkakahalaga rin ng halos P12 billion. Ito naman daw ay tatawagin na Kanan-Agos project. Ayon sa MWSS, ito ay kasama sa isang matagal nang pinag-aralan na proyekto ng kanilang ahensya bilang pangmatagalang solusyon sa pangangailangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.

Ang orihinal na tawag sa proyektong ito ng MWSS ay Kaliwa-Kanan Agos river basin na maaaring magdagdag pa ng 3,000 million liters kada araw. Nagsumite na raw ang MWSS ng mga karagdagan dokumento sa National Economic and Development Authority (NEDA) at naghihintay na lang ng kasagutan.

Ayon din sa MWSS, may interesadong pribadong sektor ang gagawa nito. Subalit hindi natin alam kung papasok muli ang China sa nasabing proyekto at mag-alok muli na pautangin tayo. Dyuskupo.

Ang pinakamainam diyan ay ipagawa ito sa pribadong sektor. Tulad ng nangyari dati sa NAIA, ang malalaking mga negosyante ay nagsama-sama at nag-alok na sila na ang gagawa ng rehabilitasyon at operasyon ng ating premyadong paliparan. Subalit hanggang ngayon ay wala pang katiyakan ito. Bakit kaya? Mawawalan kaya ng raket o negosyo ang mga ilan sa mga opisyal ng gobyerno? Nagtatanong lang po.

Subalit, maaaring magsama ng MVP Group at Ayala na magpondo at gawin ang Kanan-Agos project. Tutal sila rin naman ang makikinabang sa nasabing proyekto. Maaaring bigyan ng insentibo ang mga ito upang pag-isipan nila nang husto na sila na ang gagawa.

Tutal naman ipapasa naman din nila ang ginastos nila dito sa nasabing proyekto. Ang mahalaga ay gumawa na ang ating pamahalaan ng mga tulad ng ganitong proyekto na magiging solusyong pangmatagalan. Sa totoo lang kasi, puro ‘tapal’ projects tayo. Ginagawa ang mga ito kapag malala na ang problema tulad ng problema natin sa transportasyon. Hindi natin alam kung kaliwa, kanan o diretso. Tsk tsk tsk.

364

Related posts

Leave a Comment