KALOKOHAN NA ANG FLOOD CONTROL PROJECTS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAILANGANG itigil na ang flood control projects ng gobyerno na ginagastusan ng taxpayers ng isang bilyong piso kada araw, dahil isa nang kalokohan ang mga proyektong ito na mistulang pork barrel na lang ng mga politiko.

Kung talagang epektib ang mga proyektong ito, hindi lalala ang mga pagbaha sa kahit saang lugar sa bansa tulad ng Bicol Region, Batangas, Cavite at Metro Manila na napakalaki ang pondong inilalaan dito taon-taon.

Nagpapalusot ang ilang kongresista na kesyo ibinuhos ng bagyong Kristine sa loob lamang ng ilang araw ang tubig ulan na para sa dalawa’t kalahating buwan kaya hindi nakayanan ng flood control projects.

Hindi natin matanggap ang palusot na ‘yan dahil kahit konting ulan ay matindi pa rin ang pagbaha kaya ang tanong ng mga tao, meron ba talagang flood control projects na ginagawa, sino ang kontraktor na gumawa at ang mga kontraktor na ‘yan ay dummy o kaya paborito ng mga politiko?

Ang flood control projects ay nagsimula noong 1939 sa Pampanga River at matapos palubugin ng bagyong Ondoy ang Metro Manila noong 2009, nagkaroon ng ideya ang gobyerno na gumawa ng mga proyektong kokontrol sa baha.

Ibig sabihin, 2010 pa ay nagkakaroon na ang flood control projects at habang lumalaon ay hindi lang sa Metro Manila ginagawa ang ganitong proyekto kundi sa apat na sulok ng bansa lalo na sa mga probinsyang bahain tulad ng Bicol at Region IV-A.

Naging paboritong proyekto ito ng mga mambabatas lalo na sa Kamara pero sa tagal na nating ginagastusan ang proyektong ito, imbes na makontrol ang baha ay naging uncontrolled pa kaya nagsayang lang tayo ng pera.

May biruan nga noon sa mundo ng pulitika na ang ganitong proyekto ay mahirap ma-audit ng Commission on Audit (COA) dahil nakabaon sa lupa. At dahil nakabaon sa lupa, hindi nakikita ng mga tao kung meron ba talagang proyekto.

Kaya taon-taon, may parte ang mga politiko lalo na sa Kamara, sa flood control projects na ito na karaniwang ugat ng away lalo na kung ang isang solon ay dyutay ang kanyang parte habang ‘yung mga peborit ay pagkalaki-laki.

Hindi ba noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, may nag-away na gabinete at congressman dahil sa flood control projects matapos matuklasan na favorite projects ito ni Secretary at ang kontraktor na malapit sa kanya ay konektado sa isang malapit na bata ni Digong. Nakalimutan na ang isyung ito dahil powerful noon ang mga sangkot.

Na-fact check na ng kalamidad ang proyektong ito at napatunayan na wala itong silbi at isang naghuhumiyaw na kalokohan kung itutuloy pa ang proyektong ito lalo na kung ipahahawak ang proyekto sa mga politiko.

Puwedeng ituloy ito at ipaubaya sa international body ang implementasyon tulad ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at huwag na huwag payagang makialam ang mga politiko at huwag papasukin ang kanilang mga kontraktor. ‘Yan lang ang solusyon, wala nang iba.

20

Related posts

Leave a Comment