BISTADOR ni RUDY SIM
MULING nalagay sa malaking kahihiyan ang Bureau of Immigration makaraang palayain nang libre ni BI Commissioner Atty. Joel Viado ang 41 illegal POGO workers na hinuli ng PAOCC sa matagumpay na operasyon sa Bagac, Bataan noong October 30.
Tila hindi bumusina muna itong si Viado sa Palasyo kaya’t nang makarating ito sa kaalaman ng Pangulo ay agad na ipinag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagpapa-deport sa mga dayuhan. Aba eh, saan naman kaya hahanapin ni Viado itong kanyang mga pinalaya? Naloko na!
Sino kaya ang mataas na opisyal ng gobyerno ang nag-utos kay Kume para madaliin ang pagpapalaya nang libre sa nahuling POGO workers? Bakit patuloy ang pananahimik ni Secretary Boying Remulla ng DOJ, sa kabila ng kapalpakan ng kanyang inilagay sa puwesto!
Matatandaang iniutos di-umano ni Kume sa BI-Legal Division na gawin ang dalawang order noong November 6 at pinag-overtime pa ang mga lawyer. Pero bumawi naman si Kume at nanlibre umano ng pagkain mula sa Aristocrat. Nabusog naman kaya sila sa ipinakain ni Kume? Samantalang ang iba rito ay ilang manok ang kinita?
Dahil ginabi na at sarado na ang cashier ng gobyerno ay inabot pa umano kinabukasan para mabayaran ang filing fee! Naku po! Hindi pa bayad ang filing fee pero nagawa na ang order na pabor sa mga dayuhan? Ang siste ay libre pa sa pamamagitan ng bulok na dahilang “INDIGENCY” na pinalabas sa order umano ni Kume na walang kakayanan ang nahuling POGO workers upang makapagbayad ng P50K piyansa?
Paanong naging indigent itong 41 na mga kumag na dayuhan, mayroon ba silang sakit at wala nang makain para maging public charge sa gobyerno? Saan kaya nagtapos ng kursong abogasya itong si Kume at tila hindi nito alam ang ibig sabihin ng indigent?
Sa panig naman ng mga lawyer ng legal division na naatasang gumawa ng order, ay hindi natin sila masisisi sapagkat malakas ang pressure, ibig sabihin ay mayroong malaking tao na nag-utos para ito ay madaliin.
Kung sakali ay breaking the record itong si Kume sa iskandalong inabot ng ahensya mula pa noong dekada 90, nang mapirmahan ni dating Commissioner Zafiro Respicio ang deportation order ng 11 Indian nationals na may kasong droga. Nahahawig din ito sa 41 na pinalaya ni Kume, dahil sino ba ang nagpapirma, hindi ba’t mula sa DOJ?
Napakalakas naman ng konek sa gobyerno nitong mga dayuhang nahuli sa Bagac, Bataan, nauna nang nasibak sa tungkulin itong spokesperson ng PAOCC makaraang nanampal ito ng isang Pinoy na kasama ng POGO workers na nambastos sa mga otoridad habang isinasagawa ang operasyon.
Isang buwan pa lamang mahigit si Kume Viado mula nang ilagay siya sa puwesto ni Remulla at sa kabila nito ay kaliwa’t kanang sumbong ng katiwalian sa kanyang pamunuan ang ating natatanggap kasama na rito ang dating mga tauhan ng nasibak na Kume Tan5 na binigyan pa niya ng pagkakataon para magpatuloy ang kanilang ilegal na gawain.
Saan kaya magtatapos ang iskandalong ito? Sisibakin kaya ng Palasyo ang kupal na si Viado sa kanyang kapalpakan o sasaluhin ito ni Sec. Remulla? Kung ide-deport ang 41 dayuhang pinalaya ni Kume, mayroon naman kayang magbabalik kung sino man ang kumita o itatanggi na lamang na mayroon silang tinanggap? Paktay! Abuno tuloy si Kume ng Aristocrat.
Tingnan mo Kume ah, paano mo sasabihing walang pambayad ng piyansa ang mga dayuhan eh matapos mong palayain nang libre ay dumaan ang mga ito sa Clark at lumipad papuntang Cebu gamit ang isang private plane!
Bakit nakialam itong si Congressman Abet Garcia ng Bataan, na pabor sa hinuling POGO workers, hindi ba’t kayo rin dyan sa Congress ang nag-iimbestiga kuno? Protektor ba si Cong? Para saan Cong, financier ba sa 2025 election? Alam na this!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
47